Photo by Faisal Camsa Jr. / BIO
COTABATO CITY— Limang libong mamamayan sa Hadji Muhtamad Municipality at mga karatig bayan nito ang inaasahang araw-araw na makakabenepisyo mula sa water desalination facility na itinatayo ng Bangsamoro Government sa probinisya ng Basilan.
Noong ika-6 ng Agosto ay nagsagawa ng isang ground breaking ceremony ang Ministry of the Interior and Local Government (MILG) para sa pagpapatayo ng nasabing pasilidad sa bayan, kung saan mayroon ding ipinapatayong municipal hall.
Layuning ng mga proyekto na mas mapabuti at mapabilis pa ang paghahatid ng serbisyo ng lokal na pamahalaan.
“Ang 10K Hydra Sea Water Desalination Plant System, na nagkakahalaga ng P15 milyon, ay kayang magsilbi sa 5,000 katao bawat araw, at ang two-storey na municipal hall, na may halagang ₱30 milyon, ay itinatayo rin,” sinabi ni MILG Minister Atty. Naguib Sinarimbo.
“Ang Haji Muhtamad ay isang magandang munisipalidad sa Basilan na walang permanenteng municipal government center sa nakalipas na 16 taon. Nagagalak kaming makipagtulungan sa napakaaktibo nitong batang alcalde na si Hon. Arsina Nanoh,” pahayag ng Minister.
Inilahad ni Sinarimbo na ang lugar ay isang ‘waterless municipality’ na nangangailangan ng interbensyon, kagaya ng pagpapatupad ng water desalination system, upang magkaroon ng madaling pagkukunan ng inuming tubig ang mga residente.
“Ang munisipalidad ay may malaking potensyal para sa turismo lalo na’t malapit ito sa Isabela, Basilan, at lungsod ng Zamboanga. Ipinagmamalaki nito ang mga magagandang beach at malinis na asul na dagat”, nabanggit ni Sinarimbo.
Ibinahagi naman ni Municipal Mayor Arsina Kahing-Nanoh na ang Government of the Day ay nakatuon sa pagbibigay ng serbisyo sa mamamayang Bangsamoro.
“Maraming maraming salamat sa pagtitiwala sa administration ko, at lalong lalo na sa administrasyon ng ating Chief Minister Ahod Ebrahim. Makakaasa po kayo na andito po ang Hadji Muhtamad Municipality na palaging susuporta sa Bangsamoro Government,” dagdag ni Nanoh.
Dumalo rin sa seremonya si Hadji Muhtammad Vice Mayor Nadzra Hasim at Member of the Parliament Dan Asnawi.
Samantala, isang groundbreaking ceremony din ang isinagawa ng Bangsamoro Government noong Augusto 4 para sa paglalagay ng isang unit ng water desalination plant sa munisipalidad ng Tabuan-Lasa, Basilan.
Ang mga proyektong imprustruktura ng MILG ay kabilang sa programang Local Government Facility Development (LGFD) nito na nakahanay sa Enhanced 12-Point Priority Agenda ng BARMM. (Majid Nur, Bai Omairah Yusop/ BIO na may ulat mula sa MILG)