MAGUINDANAO DEL SUR— Limampu’t siyam (59) na lumikas na mga pamilya mula sa mga Barangay ng Salbu at Madia sa Datu Saudi Ampatuan ang natitirahan na ang kanilang bagong ligtas at komportableng tahanan na inihandog ng Bangsamoro Government.
Ito ay matapos ang isinagawang turnover ceremony noong ika-6 ng Setyembre, na pinangunahan ni Ministry of Social Services and Development (MSSD) Minister Atty. Raissa Jajurie at DSA Mayor Edris Sindatok.
Sa ilalim ng Bahay Program ng MSSD, ang inisyatibang pabahay na ito ay nagbibigay ng permanenteng tirahan sa mga pamilyang naranasang lumikas dahil sa mga armed conflict at kalamidad. Bawat bahay ay may floor area na 29.13 square meters, dalawang kwarto, isang sala, at isang kusina.
“Ang layunin namin para sa mga matibay na solusyon ay lumikha ng isang sitwasyon kung saan ang mga nawalan ng tirahan—dulot man ng natural na sakuna o digmaan—ay maaaring makabalik sa kanilang mga tahanan o manatili sa ibang lugar kung saan sa tingin nila ay ligtas sila, walang diskriminasyon, na may kabuhayan, at mapayapang buhay,” paliwanag ni Jajurie.
“Hindi lamang ito usaping pabahay at kabuhayan, subalit ito rin ay patungkol sa pagtitiyak ng seguridad at pagtataguyod ng isang mapayapang kapaligiran sa komunidad. Para mangyari ito, kailangan nating magtulungang lahat,” dagdag niya.
Samantala, nagpasalamat naman si Nasser Salamat, 48-taong gulang na lokal na magsasaka, sa commitment ng regional government na mabigyan sila ng mga permanenteng tahanan.
“Sobrang saya ko dahil sa wakas may bahay na kami. Hindi na namin kailangan pang manirahan sa tagpi-tagping kubo na nakatirik malapit sa pamilihan. Makakapanirahan na kami nang komportable at hindi nag-aalala sa tuwing maulan. Maraming salamat sa MSSD at sa Bangsamoro Government,” pahayag ni Salamat.
Bilang pagkilala sa kahalagahan ng pagkakaroon ng matatag na pabahay, kasalukuyang nagpapatayo ang MSSD ng karagdagang 25 housing units sa Barangay Kitapok at pinaplanong mag-install ng water system at streetlights para sa komunidad. (Myrna Tepadan/BIO na may ulat mula sa MSSD)