COTABATO CITY—Muli nang maisasagawa ng mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Moro National Liberation Front (MNLF) ang kanilang karapatang sibil at pulitikal sa sandaling ma-avail nila ang amnesty program ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos (PBBM), Jr.
Ito ay nabanggit noong Lunes, ika-20 ng Mayo, sa isinagawang panayam kay National Amnesty Commission (NAC) Commissioner Atty. Jamar Kulayan dito sa lungsod.
“Ang amnestiya ay iginagawad sa mga dating rebelde, dahil na rin sa kanilang pulitikal na paniniwala, ay nakipaglaban sa pamahalaan at kalaunan ay nawalan ng karapatang bumoto, tumakbo, at maibenta ang kanilang ari-arian, bukod sa iba pa,” sinabi niya.
Matatandaan na noong Nobyembre 2023, ay nagbigay ng amnestiya si PBBM sa mga dating rebeldeng Moro—ang MILF at ang MNLF—sa ilalim ng mga Proklamasyong 405 at 406, bilang pagpapatuloy ng normalization track ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB).
Ang pagkakabuo ng CAB ay ang huling kasunduang pangkapayapaan sa pagitan ng Government of the Philippines (GPH) at MILF na tumapos sa dekadang tagal na armadong pakikibaka.
Ibinahagi rin ni Kulayan na ang mga dating combatant ay maaaring mag-aplay para sa amnesty grant sa pamamagitan ng pagdownload at pagsagot sa mga form na makukuha sa NAC Facebook page at/o sa Local Amnesty Board (LAB) nito sa buong bansa.
Sa Mindanao, mayroong LAB ang NAC sa mga lungsod ng Cotabato, Cagayan de Oro, Pagadian, Davao, at Isabela, kabilang ang Sulu Province.
Ipinaliwanag niya ang ang mga aplikante ay maaaring mag-aplay hanggang ika-4 ng Marso 2026, dalawang taon matapos na mapagtibay ang mga nasabing Proklamasyon, kasunod ng mahigpit na interpelasyon, bago ang 63rd plenary session ng ahensya noong ika-4 ng Marso ngayong taon.
Maliban dito, hinimok niya ang mga dating combatant na i-avail ang nasabing amnesty program, aniya, “Ito ang pinakamapagbigay na alok sa bahagi ng gobyerno dahil kayo ay binigyan ng dalawang taon upang makapag-aplay para sa mapatawan ng amnestiya.”
Dagdag pa ng Commissioner na ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng NAC, na napagtibay noong ika-14 ng Marso, para sa pag-aaplay para sa amnestiya ay magpapabilis sa proseso nito sa tulong ng kanilang opisina o ibang mga kinauukulang ahensya.
“Ayon sa IRR, ang mga indibidwal na nangangailangan ng amnestiya ang kinakailangang maghain ng kanilang aplikasyon sa LAB, kung saan ang isasagawa ang mga eligibility assessment.
Kasunod nito, ipapasa ng LAB ang rekomendasyon nito sa NAC, na siyang magsasagawa ng masusing pagsusuri at magpapasa ng mga suhestiyon nito sa Pangulo para sa pinal nap ag-aapruba,” nakasaad sa NAC Facebook page.
Tiniyak din ni Kulayan na ang mga dating rebelde na may kasalukuyang amnesty application hearing o umiiral na warrant of arrest ay maari pa ring mag-aplay, at sinigurado na ang kanilang seguridad o na walang pangamba mula sa awtoridad, sa pamamagitan ng pagkuha na safe conduct passes mula sa pinakamalapit sa LAB.
Ang pagsuporta sa normalization process para sa mga transitioning combatant ay nakahanay sa panlabing-isa sa priority agenda ni Bangsamoro Chief Minister Ahod Ebrahim. (Johamin Inok, Bai Omairah Yusop/BIO)