COTABATO CITY—Nakatakdang lumipad ang Bangsamoro Airways, ang kauna-unahang airline na nakabase sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim, sa rehiyon ngayong ika-24 ng Abril 2024.
Layunin ng Bangsamoro Airways, na pinapatakbo ng Federal Airways, na makonekta ang mainland BARMM sa mga island province nito upang mas mapadali ang probisyon ng mga mahahalagang serbisyo, mapalakas ang burukrasya at logistik, at mapasigla ang ekonomiya, turismo, at trabaho sa rehiyon, bukod sa iba pa.
Sa isang panayam kay Bangsamoro Board of Investments (BBOI) Chairperson Mohammad Pasigan noong Martes, ika-16 ng Abril, aniya, ang Airways ay unang lilipad sa Zamboanga at Sulu Province at kayang magsakay ng anim hanggang sampung pasahero, kabilang ang mga aviator.
Inaasahan ding mapapalawig pa ang mga serbisyo nito sa mga munisipalidad ng Sibutu at Mapun sa Tawi-Tawi pagkaraan ng tatlong buwang operasyon at sa Kuta Kinabalu, Malaysia, matapos ang isang taon.
Binigyang-diin ni Pasigan na ang pagbubukas ng Airline ay magdadala ng mas maraming investor sa autonomous region, na magreresulta sa patuloy na paglago ng mga investment.
Ayon sa ulat ng BBOI, nakapagtala ang BARMM ng kabuuang P3.7-bilyon halagang investment, lampas na sa target ng opisina ngayong 2024 na nasa P2.7-bilyon, ngayon lamang Abril 2024. Saklaw nito ang Islamic banking, turismo, agrikultura, marine, at sektor ng industriya, na siyang makapagbibigay ng 1,155 trabaho sa buong rehiyon.
Iniimbitahan ng BBOI ang mga investor sa BARMM na itaguyod ang pagpapaunlad sa ekonomiya ng regional at national, naayon sa mandato nitong naisaad sa Bangsamoro Administrative Code, at nagbibigay ng mga insentibo para sakanila na kaalinsunod sa Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprise (CREATE), isang batas na nagbabawas ng corporate income tax rate.
Maliban dito, nakipag-ugnayan na rin ang Bangsamoro Airways sa Bangsamoro Airport Authority (BAA) ng Ministry of Transportation and Communication (MOTC) sa Cotabato City upang matiyak na lahat ng mga kinakailangang dokumento ay sapat at maibibigay bago pa sila lumipad.
Dagdag pa niya na maari nang lumipad ang Bangsamoro Airways anumang oras at saanmang malapit na probinsya ng BARMM, lalo na kung kinakailangan, na siyang magbibigay-daan sa mas maginhawa at tipid na transportasyon.
Ayon sakanya, mahalaga umano ang pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa pag-eengganyo ng mas maraming investor at madala sila dito sa autonomous region.
“Ang pinakamalaking tulong natin bilang mamamayang Bangsamoro ay magawa nating mapayapa at ligtas ang ating rehiyon para sa mga investor”, paghihikayat niya sa mga kapwa niya Bangsamoro upang mapanatili ang isang rehiyong walang kaguluhan.
Nakahanay sa ikatlo and ikalimang priority agenda ni Bangsamoro Chief Minister Ahod Ebrahim ang pagpapalakas sa pagpapaunlad ng ekonomiya sa BARMM sa pamamagitan ng paggamit ng komparatibong kalamangan nito at pamumuhunan sa transportasyon at komunikasyon. (Johamin Inok, Bai Omairah Yusop/BIO)