LUGUS, Sulu —Kamakailan lamng ay pinasinayaan ng Bangsamoro Government ang isang one-storey multi-purpose training center para sa mga mamamayang Tausug sa Barangay Tingkangan, island municipality ng Lugus bilang hakbang sa pagpapalakas ng isang komunidad.
Pinangunahan ng Ministry of Human Settlements and Development (MHSD) ang aktibidad noong ika-5 ng Mayo, na dinaluhan din ni Deputy Minister Aldin Asiri, Sulu Provincial Director Atty. Najira Hassan, Lugus Municipal Administrator Hussein Aming, Tingkangan Barangay Chairman Aljihad Hadji Kadil, and former Member of Parliament Sahie Udjah.
Nakahanay ang naturang inisyatiba sa 12-point priority agenda ni Chief Minister Ahod Ebrahim na layuning makabuo ng isang inklusibong pag-unlad at makabuluhang pakikipag-ugnayan para sa magkakaibang populasyon ng Bangsamoro at maitatag ang mga nararapat na institusyon tungo sa isang self-sustaining at inklusibong pag-unlad ng mga kababaihan, kabataan, at iba pang vulnerable na sektor.
Binigyang-diin ni Director Hassan na ito na ang pangalawang multi-purpose training center na nai-turn over ng ministry sa Sulu at may sampung iba pa sa ibang probinsya ng BARMM.
Sa isinagawang seremonya ay lubos na nagpasalamat si Municipal Administrator sa Bangsamoro Government, kay MHSD Minister Atty. Hamid Aminoddin Barra, at dating MP Udjah, na siyang nagbigay ng pondo para sa nasabing proyekto sa ilalim ng kanyang Transitional Development Impact Fund (TDIF) 2021, para sa kanilang matibay na suporta sa pagsasakatuparan ng proyekto.
“Maraming salamat sa nag-initiate nitong project. Ang mayor at vice-mayor ng Lugus ay palagi nilang sinasabi na kahit saan sa 17 barangays ng Lugus [ipatayo ang mga projects] ang mahalaga ay mayroong maibigay dito na mga project,” sinabi ni Aming.
Nagpahayag din ng pasasalamat si Barangay Chairman Aljihad Hadji Kadil sa BARMM para sa proyektong ito na siyang makatutulong na mas mapaganda ang mga aktibidad na gagawin sa komunidad at magsisilbing lugar para sa kolektibong pag-unlad.
“Maraming salamat sa pagdalo at sana ay makatulong itong gusali sa ating mga kababayan at sana ay gamitin ito ng mga miyembro ng komunidad nang maayos,” pahayag ni Hadji Kadil.
[Magsukul ha pagkari niyu iban bang man magmumfaat in building ini mausal sin mga raayat ha kawman, bang man mapakay namu ha hikasannang namu katan dii.]
Idiniin din ni MHSD Deputy Minister Asiri ang kabuluhan ng nabanggit na center para sa paghubog ng kaisipan ng kabataang Bangsamoro, paglinang ng kanilang kakayanan, at pagbibigay sakanila ng kaalaman para sa mas maliwanag na hinaharap.
Ayon din kay MHSD Director General Esmael Ebrahim na ang BARMM ay patuloy pa rin sa pagsasagawa ng Jihad sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga proyekto na mapakikinabangan ng mga mamamayan nito.
“Patuloy tayong nagsasagawa ng Jihad sa pamamagitan ng paghahandog ng mga proyekto sa ating mga munisipalidad sa buong Bangsamoro region.
Pinapanalangin natin na sana
ay makapagbigay pa kami ng mas maraming proyekto sa inyong munisipalidad,” ani Ebrahim.
Samantala, nagsagawa rin ng groundbreaking ceremony sa Barangay Siet Higad sa bayan ng Panamao noong ika-4 ng Mayo para sa pagpapatayo ng isang human development trainig center, isang proyekto ni MP Matarul M. Estino sa ilalim ng 2023 TDIF. (Alline Jamar Undikan, Bai Omairah Yusop/BIO)