COTABATO CITY – Handa nang maghandog ng healthcare services para sa mga residente sa mga liblib na lugar sa probinsya ng Sulu ang Maimbung District Hospital na pormal na pinasinayaan noong ika-29 ng Abril.
Pinangunahan ni Health Minister Dr. Rizaldy Piang ang inagurasyon kung saan sinabi nito na nakatuon ang Ministry of Health (MOH) sa pagpapabuti ng mga ospital sa Bangsamoro region at pagbibigay ng buong suporta sa probinsya.
Dagdag ni Dr. Piang na ito umano ang unang pagkakataon na nakapagbukas ng district hospital ang MOH kung kaya ay nagagalak ito sa kanilang pagdalo.
Mayroon pang pitong (7) mga ospital sa rehiyon ang na-upgrade at naisaayos ayon sa MOH.
Ang nasabing ospital ay pinondohan sa ilalim ng Health Facilities Enhancement Program (HFEP) ng central office.
Nagpahayag naman ng pasasalamat si Mayor Shihla Tan-Hayudini para sa pagsasakatuparan ng proyekto na nagmula sa pangunahing adhikain na maipatupad ang ‘patient-focused and hospital-based approaches’ sa Maimbung.
Kasabay nito ay nanumpa na rin ang nasa siyamanpo’t limang (95) bagong empleyado ng ospital na magbibigay ng kalidad na serbisyong pangkalusugan sa mga pasyente.
Samantala, inilunsad na rin ng MOH ang Measles-Rubella and Oral Polio Virus (MR-OPV SIA) campaign sa lugar at opisyal ding binuksan ang 25-bed capacity na Temporary Treatment Monitoring Facility (TTMF) na nagkakahalaga ng Php10,000,000.00 na pinondohan sa ilalim ng Bayanihan Act II.
Sinabi ng alcalde na sa loob ng dalawang taon ng COVID-19 pandemic ay namulat ang kamalayan sa mga kahinaan ng healthcare system ng bansa at ang kahalagahan ang public health kung saan isa ito sa mga kailangang bigyang prayoridad.
Ang aktibidad ay dinaluhan din nina MOH Assistant Secretary Dr. Adulhaik Kasim, Director II for Technical Services, Dr. Ahmad-Fawadz Israel, Director II for Operations Dr. Tato Usman, Chief of Planning Division Anisa Matuan, at Provincial Health Officer II for Sulu Province, Dr. Farah Tan-Omar. (Myrna Tepadan, Bai Omairah Yusop/BIO na may ulat mula sa MOH)