COTABATO CITY—Inaprubahan ng Bangsamoro Board of Investments (BBOI) ang bagong natanggap na investment na nagkakahalaga ng P2,060,949,702, na inaasahang makapagbibigay ng 1,155 trabaho.
Noong ika-16 ng Abril 2024, nagpulong at inaprubahan ng lupon ang pagpaparehistro ng mga magkakaibang investment, na nagpapahiwatig ng potensyal ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa iba’t ibang sektor.
Sinabi ni BBOI Chairperson Mohamad Pasigan na ang pagdagsa ng investment ay inaasahang makakapagdagdag ng P3.7-bilyon sa lokal na ekonomiya sa taong 2024 lamang.
“Higit pa sa pinansyal na kikitain ay inaasahan natin na ang epekto ng mga investment na ito ay makalilikha ng mga oportunidad para sa trabaho,” ayon kay Pasigan.
Dagdag pa niya, “Ang pag-aapruba sa mga investment na ito ay nagsisilbing makabuluhang milestone sa Bangsamoro region, nagpapahiwatig lamang ng pag-usbong ng mas mapang-akit na destinasyon ng parehong domestic at foreign investor.”
Dalawa sa mga naaprubahang investment ang nakatuon sa turismo na makatutulong sa pagpapayaman ng lokal na komunidad sa pamamagitan ng mga bagong atraksyon at dalawang kumpanya rin ang nakatuon sa pagpapayabong ng imprustruktura at logistik na mahalaga sa pagpapadali ng konektibidad at kalakalan.
Kabilang din sa mga pumasok na investment ang isang agro-agricultural processing company, na siyang nagbibigay-diin sa commitment ng rehiyon na malinang ang potensyal nito sa agrikultura at sa pagpapahalaga ng mayamang likas na yaman nito.
Binigyang-diin din ni Pasigan ang naging tagumpay ng BBOI na malagpasan nito ang higit sa 42.31% ng taunang target nito ngayong 2024, na siyang nagpapakita ng lumalagong tiwala sa pagdadala ng negosyo rito at ang pagiging epektibo ng mga pagsisikap nito na makakuha ng investment.
“Sa bawat pag-aapruba, ang rehiyon ay gumagawa ng hakbang papalapit sa pag-abot ng mithiin nito na maging isang inspirasyon ng paglago at kaunlaran sa Pilipinas,” muling pagdidiin niya.
Nagpapatuloy ang pagsisikap ng BARMM na mabago ang ekonomiya nito; ang investment na ito ay nagsisilbing pundasyon ng isang sustainable na kaunlaran, na siyang naglalatag ng batayan para sa mas maunlad at matatag na kinabukasan. (Kasan Usop, Jr., Bai Omairah Yusop/BIO na may ulat mula sa sa BBOI)