CAGAYAN DE ORO CITY — Inilunsad ng Bangsamoro Government ang Okir Art Exhibit noong ika-16 ng Abril 2024 upang maibida ang mga iba’t ibang obra maestra ng mga Meranaw artist. Nagbigay-daan din ang nasabing kaganapan upang mapag-usapan ang potensyal ng okir art para sa pagpapalago ng ekonomiya sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Sa pagtutulungan ng Ministry of Trade, Investments, and Tourism (MTIT) sa pamamagitan ng Tales of Marawi Project nito, ng Bangsamoro Commission for Cultural Preservation and Heritage (BCPCH), at Provincial Government of Lanao del Sur, ang mga obra maestra ng mga Meranaw artist mula sa iba’t ibang bahagi ng Lanao del Sur ay naitanghal para sa publiko noong ika-16 hanggang 18 ng Abril sa Event Hall ng SM-CDO Downtown.
Ang Okir ay isang pattern o disenyo na kilala sa pagkakaroon nito ng komplikadong geometriko at flowing na disenyo na kadalasang nakikita sa mga iba’t ibang anyo ng sining ng Meranaw tulad ng arkitektura, woodcarving, paghahabi, at brasswork. Karaniwan din itong ginagamit sa pagdidisenyo ng mga masjid, bahay, muwebles, at tradisyunal na kasuotang Meranaw.
Ang isinagawang exhibit ay nahati sa tatlong magkakaibang tema — Okir a Bai (Sining ng Reyna) na nagtatampok sa mga gawa ng maghahabi ng langkir na si Saadira Shiek Basmala, Okir a Datu (Sining ng Hari) na nagtatampok ng woodwork ni Lantong Pangcoga, at The Future: Okir and Visual Arts na nagtatampok ng mga pinta at calligraphy artworks ni Architect Edris Tamano.
Iba’t ibang okir-inspired na mga accessories, kasuotan, at souvenir ang itinampok na pinangunahan ng Aretes Style at LN Collectible Handicraft Producer Cooperative.
Naniniwala si MTIT Abuamri Taddik na ang mga exhibit gaya nito ay magpapasikat sa turismo ng mga probinsya at rehiyong ng BARMM, bilang kapalit, “marahil ay makakaakit ng mas maraming investor”.
Binigyang-diin din ni MTIT Director General Rosslaini Alonto-Sinarimbo ang kahalagahan ng pag-iingat at pagkokonserba ng mga ugnayang pangkultura ng Meranaw habang ginagawa “ang bawat paraan upang muling maitayo at mabuo ang mga gusali at istruktura na siyang magsisilbing bahay at tahanan sa Marawi City”.
Mula naman sa panig ng national government, sinabi ni Congressman Ziahur-Rahman Adiong na ang Committee on Creative Industry ng House of Representatives ay kasalukuyang inaasikaso ang pagpapabuti sa industriya ng sining at gawin itong sustainable na pagkukunan ng pangkabuhayan upang mas mapaayos pa ang halal industry sa BARMM.
Kasabay ng pagpapaunlad ng sosyo-ekonomiko, kabilang din sa 12-point priority agenda ni BARMM Chief Minister Ahod Balawag Ebrahim para sa 2023-2025 ang pangangalaga sa kultura, pamana, at pagkakaiba-iba ng Bangsamoro. Para maisakatuparan ito ay sinabi ni Lanao del Sur Commissioner Robert Alonto ang mananatiling matatag ang BARMM sa pag-e-explore ng paraan upang mapabuti ang creative industry ng rehiyon na “ibinigay bilang pamana sa atin ng ating mga ninunong Bangsamoro.”
Kabilang sa mga pangunahing opisyales na dumalo sa nasabing aktibidad si BCPCH Chairman Salem Lingasa, Cagayan de Oro City Vice Mayor Jocelyn Rodriguez, Department of Trade and Industry Deputy Executive Director Dimnatang Radia, Department of Tourism-Region 10 Dir. Gen. Marie Elaine Unchuan, Department of Trade and Industry -Region 10 OIC-Assistant Regional Director Almer R. Masillones, Tales of Marawi Project Manager Ruhollah Alonto. (Norjana Malawi, Bai Omairah Yusop/BIO)