DAVAO CITY—Magkatuwang ang Bangsamoro Government at ang Commission on Elections (COMELEC) sa pagtitiyak ng kaligtasan at pagsuporta sa mga guro na magsisilbi bilang miyembro ng Electoral Board sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan (BSK) halalan.
Noong ika-19 ng Oktubre, nilagdaan sa Davao City nina Minister of Basic, Higher, and Technical Education (MBHTE) Mohagher Iqbal, COMELEC Chairman George Erwin Garcia, COMELEC Executive Director Atty. Teopisto Elnas, Jr., at Bangsamoro Attorney-General at Member of Parliament Atty. Sha Elijah Dumama-Alba ang isang kasunduan na nagpapatibay ng kanilang pangako na protektahan ang mga kaguruan sa isasagawang eleksyon.
“Sa pamamagitan ng Memorandum of Agreement na ito, itataguyod natin ang ating pangako na suportahan at protektahan ang mga guro na kusang nagpresenta upang magsilbi sa darating na halalan. Kinakailangan nating bigyan sila ng angkop na suporta, kasanayan, at proteksyon upang magampanan nila ang kanilang mga tungkulin sa eleksyon nang walang takot,” pahayag ni Iqbal.
Binigyang-diin niya ang mahalagang papel ng mga guro sa matagumpay na pagsasagawa ng halalan sa kabila ng mga banta at panganib na maaari nilang kaharapin.
“Ang kanilang integridad at dedikasyon ay mahalaga sa pagtataguyod ng sagradong electoral process, na siyang pundasyon ng isang demokratikong lipunan,” sinabi ni Iqbal.
Gagamitin ang mga pampublikong paaralan sa Bangsamoro region bilang voting centers sa panahon ng halalan, kung saan magsisilbing polling precinct ang mga silid-aralan dahil ang mga ito ay may sapat at angkop na espasyo, malawak na lugar, maayos ang lokasyon, at madaling mapuntahan ng mga botante.
Magbibigay ang COMELEC ng honorarium at allowance, na magkakahalaga ng ng P9,000-P10,000, sa bawat service personnel.
“Bilang frontline government representatives na magtitiyak sa maayos na pagdaraos ng electoral process, tinaasan namin ang kanilang honorarium lalo na ngayon na magsasagawa tayo ng manual election na magdadagdag ng trabaho para sa gagawing halalan,” ayon kay Chairman Garcia.
Aniya, magkakaroon ng mahalagang kontribusyon ang Government of the Day para sa pagkakaroon ng maayos at walang kinikilingang eleksyon.
“Lagi kaming magkokonsulta at makikipag-ugnayan sa BARMM government, lalo na sa mga naitalaga sa school division, upang makapaghanda kami, makapagbigay ng mga kagamitan, at malaman kung ano ang mga nagaganap sa mga polling areas sa gagawing BSK halalan,” dagdag ni Garcia.
Samantala, nagpaabot din ng pasasalamat si Maguindanao II Schools Division Superintendent Bai Mariam Kawit sa COMELEC at sa BARMM government para sa kanilang inisyatiba na protektahan at ipakita ang pag-aalala sa kaligtasan at kapakanan ng mga gurong magsisilbi ngayong halalan.
“Bilang school head, makikipag-ugnayan at magbibigay paalala ako sakanila na hangga’t maari ay iwasan ang mga pulitiko lalo na sa kanilang pangangampanya, at manatiling walang kinikilingan,” ani Kawit.
Ang paglalagda ng MOA ay sumisimbolo sa kolektibong dedikasyon na nakasentro sa isang framework na nagtitiyak na maprotektahan ang karapatan at kalagayan ng mga guro, supervisor, at administrator, at iba pang stakeholders. (Johaira Sahidala, Bai Omairah Yusop/BIO)