COTABATO CITY—Sa kamakailang desisyon ng Korte Suprema na hindi maisama ang Probinsya ng Sulu sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), muling tiniyak ni Chief Minister Ahod Ebrahim ang dedikasyon ng Bangsamoro Government na titingnan ang lahat ng maaaring maging hakbang upang mapanatili ang mithiin ng nagkakaisang Bangsamoro.
“Pag-aaralan namin nang mabuti ang naging desisyon ng Korte Suprema patungkol sa pagkakabukod ng Sulu at nangangako na titingnan lahat ng mga paraan upang mapanatili ang pangarap nating nagkakaisang Bangsamoro at masiguro na maisasakatuparan ang mga commitment natin na napapaloob sa Comprehensive Agreement on the Bangsamoro,” pagbibigay-diin ni Ebrahim.
“Ang Sulu ay hindi lamang isang mahalagang bahagi ng Bangsamoro sa bisa ng batas kundi pati na rin ng malalim nitong historikal at kultural na ugnayan sa pagkakakilanlan at pakikibaka ng Bangsamoro. Hinding-hindi makukumpleto ang Bangsamoro kung wala ang Sulu at ang mga mamamayan nito,” dagdag ni Ebrahim.
Ang desisyon ng Korte Suprema, na inilabas noong ika-9 ng Setyembre, ay dineklara na ang Sulu ay hindi bahagi ng BARMM dahil sa naging resulta ng plebesito noong 2019, kung saan 54% ng mga botante ng Sulu ay di pinaboran ang Bangsamoro Organic Law (BOL).
Kaakibat ng pagpapatibay ng korte sa bisa ng Republic Act No. 11054, kilala rin bilang BOL, napagpasiyahan din nito na ang pagkakabukod ng Sulu ay naaayon sa resulta ng naisagawang plebesito.
Subalit, nananatili ang dedikasyon ng Bangsamoro Government sa inklusibidad, na nauunawaan na ang pagkakaisa ng mamamayang Bangsamoro—historical man o kulturan—ay mahalaga sa kapayapaan at progreso ng rehiyon.
“Nananatili tayong umaasa na sa kalaunan, ang pagkakaisang nagbubuklod sa mga Bangsamoro sa pamamagitan ng kasaysayan, pakikibaka, at magkabahaging adhikain ay mananaig,” sinabi ni Ebrahim.
Ang BARMM ay nabuo kasunod ng ratipikasyon ng BOL noong 2019 upang mapamahalaan ng mga mamamayang Bangsamoro ang kanilang sarili, na siyang nagpaparangal sa natatangi nitong pagkakakilanlan at paghahangad ng awtonomiya. (Aisah Abas, Bai Omairah Yusop/BIO)