COTABATO CITY—Matagumpay na natuldukan ng Bangsamoro Government, sa pamamagitan ng Peace, Security, and Reconciliation Office (PSRO), ang walong buwang “rido” (alitan ng pamilya) sa pagitan ng mga pamilyan ng Basco Sali at Theng Mamo ng Barangay Kulambog, Sultan Sa Barongis, Maguindanao del Sur.
Isinagawa ang dispute resolution ceremony sa tanggapan ng PSRO sa Carumba Building, Rosary Heights IX, Cotabato City noong ika-28 ng Agosto 2024.
Binigyang-diin ni PSRO Director Anwar Alamada ang kahalagahan ng pagpigil sa muling pagsiklab ng kaguluhan sa pamamagitan ng pagtitiyak na ang dalawang partido ay susunod sa napagkasunduang hakbang upang mapanatili ang kapayapaan at seguridad.
“Inabot ng mahigit walong buwan bago magkabati dahil nagresulta sa pagkasawi ng dalawang indibidwal ang alitan,” paliwanag ni Alamada.
“Alhamdulillah, isinusulong natin ang zero-money formula, kung saan walang kasaling blood money. Nagkasundo ang dalawang partido na magpatuloy nang walang mababayaran para sa mga napinsalang ari-arian o buhay na nawala, at niresolba ang kanilang alitan nang mapayapa sa pamamagitan ng pagkakasundo na pinangunahan ng ustadz,” dagdag niya.
Iniulat din ni Director Alamada na 50 sa 75 na malalaking alitan sa buong lugar ng Bangsamoro na nairehistro sa PSRO—pangunahin sa dalawang probinsya ng Maguindanao at sa Special Geographic Area (SGA)—ang naayos na nang matagumpay.
Dagdag pa rito, namagitan na rin ang PSRO sa iba pang mga alitan, kabilang ang mga kinasasangkutan ng Moro National Liberation Front (MNLF) at iba pang tunggalian sa pulitika. (Majid Nur, Bai Omairah Yusop/BIO)