MARAWI CITY – Sa pamamagitan ng Ministry of Social Services and Development (MSSD) ay isinagawa ng Bangsamoro Government ang malawakang oryentasyon sa lungsod noong ika-5 ng Pebrero patungkol sa programang Demand-driven and Adaptive Key actions for Indigent Solo Parents in Leveraging their Aspirations (DAKILA).
Mahigit isang daang solo parent representatives mula sa 18 munisipalidad sa unang distrito ng Lanao del Sur at Marawi City ang dumalo sa nasabing aktibidad upang matutunan ang alituntunin ng bagong programa at mahahalagang probisyon ng Republic Act No. 11861 (R.A. 11861), o ang “Expanded Solo Parents Welfare Act.”
Sa pamamagitan ng DAKILA Program ay makatatanggap ang mga kwalipikadong solo parent na pumasa sa mahigpit na assessment at validation ng buwanang tulong pinansyal at iba pang social support na kanilang kakailanganin.
“Hindi po lahat ng solo parents ay mapapabilang sa flagship program na ito dahil yun lamang poorest of the poor na beneficiaries ang ating target. May sinusunod din po tayong guidelines at requirements upang mapabilang sa programa,” paliwanag ni Bai Yasmira Naga Pangadapun, MSSD’s Provincial Social Welfare Officer ng MSSD para sa Lanao del Sur-1.
Dagdag dito ay kaagad na magiging diskwalipikado mula sa programang DAKILA ang mga miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), tagapag-alaga ng mga benepisyaryo ng Kupkop Program, at mga benepisyaryo ng mga programang pangkabuhayan tulad ng Unlad Pamilyang Bangsamoro Program.
Sa inaasahang 6,000 na benepisyaryo ay nasa 1,839 ang magmumula sa Lanao del Sur.
“Nagpapasalamat kami sa BARMM [Government] para sa lahat ng mga programang kagaya nito upang mapangalagaan ang kapakanan namin at ng aming mga anak, lalo pa na para sa mga katulad kong solo parent ang bagong programang ito,” pasasalamat ni Rasmiyah Batua, solo parent ng pito niyang anak, para sa bagong inilunsad na programa.
Nakatanggap naman ang mga dumalo ng sampung kilong bigas at grocery package pagkatapos ng oryentasyon.
Ang Republic Act No. 11861, kilala rin bilang “Expanded Solo Parents Welfare Act,” ay naisabatas noong ika-4 ng Hunyo 2022. Nagbibigay ito ng suporta at benepisyo para sa mga solo parents alinsunod sa polisiya ng estado na maisulong ang social justice. (Norjana Malawi, Bai Omairah Yusop/BIO)