COTABATO CITY – Nilinaw ni Atty. Naguib Sinarimbo, Interior and Local Government Minister ng Bangsamoro Government, na walang pagbabago sa pagkagobernador sa probinsya ng Maguindanao del Norte sa kabila ng kamakailang lumabas na desisyon ng Supreme Court (SC).
Ito ay matapos magdulot ng kalituhan sa publiko, kung sino ba ang kasalukuyang gobernador ng probinsiya, ang desisyon na inilabas ng SC ukol sa petition for a writ of Mandamus na inapela ni Fatima Ainee Sinsuat, itinalagang bise gobernador ng Maguindanao del Norte ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“Wala pa naman hong nababago doon sa estado ng pamumuno sa probinsiya ng Maguindanao del Norte,” sinabi ni Sinarimbo sa mga miyembro ng media sa isinagawang Usapang Bangsamoro press briefing noong Huwebes, ika-17 ng Agosto.
Ayon kay Atty. Sinarimbo, ang kanyang ministro, na isang partido sa kaso, ay hindi pa nakakatanggap ng opisyal na kopya ng desisyon ng korte kaya maituturing itong ‘hindi pinal at executory’.
“(Sa) rules of court, ‘yung partido ay binibigyan ng panahon para makagawa ng nararapat na aksyon doon sa desisyon (ng SC). Sa kasong ito, yung mga partidong sangkot, kami halimbawa, pag natanggap namin ‘yung desisyon ay meron kaming labinlimang (15) araw para makapag-apela ng motion for reconsideration o anumang nararapat na aksyon,” paliwanag niya.
“Kung hindi pa namin natatanggap yung desisyon, hindi pa tatakbo ‘yung labinlimang (15) araw upang umapela ng motion for reconsideration […] So simple lang ho, malinaw masyado ang rules of court, na hindi (ito) pinal at executory,” dagdag ni Sinarimbo
“Habang hindi pa naipapatupad yung desisyon dahil ito ay hindi pa pinal, ano ang mangyayari? Ibig sabihin ‘yung kasalukuyang estado hindi dapat dinidistorbo ‘yun. Hindi ho dapat naiistorbo yung status quo habang hindi pa pinal ang desisyon ng korte,” paliwanag pa niya.
Binigyang-diin din ni Sinarimbo na hindi kabilang sa desisyon ng SC ang bisa ng appointment ni Maguindanao del Norte Governor Abdulraof Macacua, na siyang itinalaga rin ni Pangulong Marcos Jr.
“Hindi naman ho kanselado o napawalang-bisa ‘yung appointment na in-issue ni Pangulong Marcos kay Governor Macacua kaya hindi ho bakante ang opisina ng gobernador ng Maguindanao del Norte,” iginiit nito.
Samantala, sa pahayag na inilabas ni Chief Minister Ahod Ebrahim noong ika-13 ng Agosto, sinabi niya na mataas ang respeto ng Bangsamoro Government sa independence ng judiciary at sa pinalidad ng desisyon nito, alinsunod sa prinsipyo ng due process.
“Naniniwala kami na sa takbo nito, ang mga responsableng partido ay kailangang umiwas na makagawa ng mga aksyong maaaring magresulta sa maling interpretasyon, pagkaharang, o kung anumang makasisira sa katiyakan ng desisyon ng Korte Suprema,” pahayag niya.
Nanawagan din si Ebrahim sa publiko na tiyaking tama ang mga impormasyong ibabahagi upang maiwasan ang lalong pagkalito ng publiko at pagkabahala sa mga apektadong lugar ng Bangsamoro region. (Johanie Mae Kusain, Bai Omairah Yusop/BIO)