JOLO, Sulu — Isinusulong ng Bangsamoro Government ang pagpapaunlad sa mga komunidad sa probinsya ng Sulu sa magkakasunod na proyektong pang imprastraktura na pinangunahan ng Ministry of the Interior and Local Government (MILG).
Noong ika-28 ng Hulyo ay nagdaos ng turnover ceremony para sa mga nakumpletong pampublikong pamilihan sa mga munisipalidad ng Indanan at Panglima Estino, gayun din ang mga bagong village hall sa mga barangay ng Takut-Takut at Chinese Pier sa Jolo. Inaasahan na mapapabuti ng mga bagong pasilidad na ito ang kondisyon ng kalakalan.
Kabilang sa mga pangunahing opisyales na dumalo sa naturang turnover ceremony si Bangsamoro Chief Minister Ahod Ebrahim, Education Minister Mohagher Iqbal, at MILG Minister Atty. Sha Elijah Dumama-Alba, na parte ng “TABANG Bangsamoro sa Sulu” convergence activity ng regional government na ginanap din noong ika-28 ng Hulyo.
“Labis kaming nagpapasalamat sa mainit na pagtanggap ninyo sa amin; we really feel na talagang welcome na welcome kami dito,” sinabi ni Ebrahim sa isinagawang convergence.
Naroon din si Barangay Takut-Takut Chairman Nurjaden Serajani, Barangay Chinese Pier Chairwoman Mernesa Ladja, at iba pang mga lokal na opisyales upang ipahayag ang kanilang pasasalamat sa mga pagsisikap ng Bangsamoro Government.
Maliban sa mga pasilidad na nai-turn over sa Sulu, nagpapatayo rin ang MILG ng dalawang municipal hall at isang municipal police station, at isa pang police station na malapit nang matapos. Isang reformation center na rin ang nakahanda nang mai-turn over, na siyang nagpapakita ng dedikasyon ng pamahalaan sa rehabilitsyon at social justice.
Prayoridad din ng MILG ang pagkakaroon ng access sa malinis na tubig sa probinsya sa pamamagitan ng pag-iinstall ng mga desalination machine. Limang units na ang nai-turn over, at apat pa ang kasalukuyang ginagawa.
Bukod pa rito, ang BARMM READi Emergency Operation Center, isang mahalagang pasilidad para sa paghahanda at pagreresponde sa oras ng sakuna, ay kasalukuyang ipinapatayo na rin.
Kabilang din sa mga hakbang ng MILG upang mapaunlad ang mga komunidad sa Sulu ang pagtatayo ng isang community activity center at 34 karagdagang barangay hall.
Ang matagumpay na pagkakakumpleto at pag-usad ng mga proyektong ito ay nagbibigay-diin sa matibay na commitment ng BARMM sa pagkakaroon ng napapanatiling pag-unlad na kabilang sa mga priority agenda ni CM Ebrahim. (Alline Jamar M. Undikan, Bai Omairah Yusop/BIO)