COTABATO CITY—Nagtapos ang isang buwang selebrasyon na idinaos ng Ministry of Agriculture, Fisheries and Agrarian Reform (MAFAR) ng BARMM para sa pagbibigay-pugay sa mga magsasaka at mangingisda sa pamamagitan ng isang cooking contest upang kanilang maipamalas ang angking kakayahan at galing sa pagluluto.
Isinagawa ang aktibidad noong ika-7 ng Hunyo sa MAFAR Covered Court dito sa lungsod kung saan highlight ang mahahalagang tungkulin na ginagampanan ng mga agricultural laborers at makilala ang kanilang kontribusyon sa pag-unlad ng rehiyon.
Taong 1989 nang unang simulant ang paggunita ng Farmers and Fisherfolks Month matapos lagdaan ni dating Pangulo Corazon Aquino ang Proclamation No. 33. Nilalayon ng proklamasyong ito na kilalanin at bigyang pugay ang mga mahahalagang ambag ng mga agricultural laborers sa pag-unlad ng sektor ng agrikultura sa Pilipinas tuwing buwan ng Mayo.
Sa pangunguna ng MAFAR, ang selebrasyon ngayong taon na may temang, “Buwan ng Magsasaka at Mangingisda: Masaganang Agrikultura, Maunlad na Ekonomiya” ay nagbigay ng oportunidad para sa limang farmer cooperatives and associations (FCAs) na lumahok upang maipakita nila ang kanilang talento sa iba’t ibang paraan ng pagluluto ng isdang Tilapia.
Mariing ipinahayag ni Engr. Ismael Guiamel, MAFAR Director for Agriculture Services ang nararapat na pagkilala at papuri para sa mga magsasaka at mangingisda para sa kanilang natatanging kontribusyon sa rehiyon at kaunlaran ng bansa. Kanya ring kinilala ang kanilang makabuluhang gampanin sa produksyon ng pagkain para sa komunidad at pagpapalakas ng ekonomiya ng rehiyon
“You provide us food from our table. Hence, you deserve to be recognized for your effort in providing us with food to eat while soaring our region’s economy […] MAFAR and BARMM as a whole are doing everything to help you alleviate the status of living,” saad ni Guiamel.
Binigyang-diin din ni Pendatun Patara, MAFAR Director-General for Fishery Services ang mahalagang kaganapan sa Bangsamoro region, partikular ang magkasunod na taong pangunguna sa produksyon ng suplay ng isda sa bansa at iniugnay ito sa walang kapagurang pagsisikap at dedikasyon ng mga magsasaka at mangingisda.
Sa cooking competition, 1st Place sina Datunot Mantawil at Tarhata Mantawil ng Kamari Agri-Aqua Cooperative sa Bitu, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao, para sa kanilang Tilapia Sweet and Sour dish, 2nd Place naman sina Bakal Sing at Norma Abdul ng Sigay Nu Mga Babay Incorporated sa Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao Del Sur, para sa kanilang Tilapia Escabeche, 3rd Place naman sina Latip Amelia at Noraida Akad ng Seashore Descendants Farmers and Fisherfolk Association sa Kalangan 1, Cotabato City, para sa kanilang Sinigang Tilapia, 4th Place naman sina Ting Dres at Wahida Dres ng Simuay Seashore Rural Workers Association sa Simuay Seashore, Sultan Mastura, Maguindanao Del Norte, para sa kanilang Tausi Tilapia dish at nag 5th Place sina Muhaimen Manuel at Halima Manuel ng Sitio Maligaya Farmers and Marketing Cooperative sa Gadungan, Sultan sa Barongis, Maguindanao Del Sur, para sa kanilang Tinolang Tilapia. (Kasan Usop, Jr., Bai Omairah Yusop/BIO)