COTABATO CITY—Nagsagawa ng public consultation ang Committee on Science and Technology ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) Parliament, na pinangungunahan ni Member of the Parliament (MP) Suharto Esmael, noong ika-1 ng Hunyo sa Manila upang talakayin ang proposed Bill No. 37, na patungkol sa pagtatatag ng Bangsamoro Science High School (BSHS).
Layunin ng inisyatibong ito na maiangat ang kalidad ng science education sa Bangsamoro region at makapagbigay sa mga mag-aaral ng komprehensibong science-focused learning environment.
Binigyang-pansin ni MP Esmael ang mga hamon na kinakaharap ng mga mag-aaral sa pagtahak nila sa Science and Technology careers bunga ng nararanasang kakulangan sa sistema ng science education sa rehiyon. Sinabi rin nito na nais ng Bangsamoro Government na solusyunan ito sa pamamagitan ng “establishing a science high school and by providing quality science and technology education.”
Dinaluhan naman ng mga mga dalubhasa mula sa Philippine Science High School at ng Department of Science and Technology-Central Office ang isinagawang hearing para makapagbahagi sila ng kanilang karanasan at kaalaman sa pagtatatag ng BSHS sa BARMM.
Sa nasabing hearing ay tinalakay ang mga mahahalagang aspetong kailangang maisaalang-alang at mapag-aralan. Kasama rito ang pagbabalangkas ng komprehensibong kurikulum, disenyo at pagtatayo ng school building, probisyon ng laboratoryong may kumpletong kagamitan, pagpili ng tamang lokasyon, pagre-recruit at kasanayan ng mga kwalipikadong mga director at guro, financial assistance para sa mga mag-aaral, at kolaborasyon ng Department of Science and Technology (DOST) at ng Ministry of Science and Technology (MOST).
Samantala, tiniyak naman ni MOST Minister Engr. Aida Silongan sa mga dumalo na lahat ng mga insights at suhestiyon na nailatag sa nasabing hearing ay iku-konsidera para mas mapabilis ang pagtatatag ng BSHS at maitaguyod ang isang inklusibong sistema ng Science education sa Bangsamoro region.
“The BSHS would be at parity with other science high schools to ensure competitive and quality education. On the other hand, MOST’s objective of producing Science and Technology human resources will heighten, and this future workforce will contribute positively to the region’s economic growth,” dagdag ni Silongan.
Tumanggap ang isinagawang hearing ng malaking suporta mula sa mga dalubhasang inimbitahan, kasama rito sina Dr. Lawrence Madriaga, Director ng PSHS-Main Campus, Rowena Cristina Guevara, Ph.D., dating Undersecretary ng DOST, at Chuchi Garganera, Regional Director ng PSHS-Zamboanga Peninsula, at iba pang mga opisyales.
Lahat sila ay nagpahayag ng buong suporta para sa pagtatatag ng BSHS sa Bangsamoro region. (Majid Nur, Bai Omairah Yusop/BIO)