Cotabato City (May 26, 2020) – Magsasagawa ng magkahiwalay na imbestigasyon ang Bangsamoro Government, sa pangunguna ng Ministry of Interior and Local Government (MILG), ang 6th Infantry Division (6ID) ng Armed Forces of the Philippines Western Mindanao Command (AFP – WestMinCom), at ang Philippine National Police (PNP) kaugnay sa naganap na ‘mortar shelling’ sa probinsiya ng Maguindanao na kumitil sa buhay ng dalawang menor de edad at ikinasugat ng labing apat na iba pa.
Nitong Lunes, ika-25 ng Mayo, nakipagpulong si MILG MInister Atty. Naguib Sinarimbo kay WestMinCom Lieutenant General Cirilito Sobejana at 6ID Major General Diosdado Carreon, upang pagplanuhan ang imbestigasyon “nang malaman ang puno’t dulo ng insidente, at upang maiwasan ang pagbibigay ng haka-hakang konklusyon habang hinihintay pang matapos ang imbestigasyon.”
Tiniyak ni Sinarimbo, na siya ring tagapagsalita ng BARMM, na sasagutin ng Office of the Chief Minister (OCM) ang lahat ng mga pangangailangan ng mga biktima.
“Inatasan rin ni Chief Minister Ahod ‘Al-Haj Murad’ Ebrahim ang mga naaangkop na tanggapan ng Bangsamoro Government na magsagawa ng isang patas na imbestigasyon upang malaman ang buong katotohanan sa nangyaring insidente,” bigay diin ni Ministro Sinarimbo.
Binisita rin ng opisyal nitong Lunes, ang Sitio Amai Zailon sa Barangay Kitango sa munisipalidad ng Datu Saudi Ampatuan – kung saan nangyari ang mortar shelling – upang magsagawa ng inspeksyon at upang makipag-usap sa pamilya ng mga biktima, kabilang na ang ama ng dalawang menor de edad na nasawi sa insidente.
“Dinalaw din namin ang mga biktima sa Cotabato Regional and Medical Center (CRMC) at Maguindanao Provincial Hospital upang mabigyan sila ng tulong at alamin ang katotohanan sa pangyayari mula mismo sa kanila,” sabi ni Sinarimbo.
Nauna nang nagpahayag ng pagkondena ang Bangsamoro Government laban sa karahasan na nagdulot ng pagkasawi ng mga inosenteng menor de edad at pagkasugat ng marami, kabilang ang ina ng mga nasabing biktima.
Nabanggit dito na, “Ang karahasang ito na ginawa laban sa mga sibilyan ay hindi makatao at puno ng kasamaan lalo pa’t nangyari ito sa araw ng Eid Fitr.”
Binigyang diin din ng nasabing pahayag na ang karahasan “ay dumagdag pa sa kasalukuyang paghihirap ng mga tao habang kinakaharap ang pandemyang COVID-19. Tanging ang mga walang pusong kriminal lamang ang makakagawa ng ganitong kasamaan.”
Samantala, ang Bangsamoro Human Rights Commission (BHRC) ay magsasagawa rin ng hiwalay na imbestigasyon upang masigurong makakamit ang hustisya para sa mga biktima ng trahedya.
Noong Linggo, Mayo 24, bandang alas kwatro ng hapon, isa umanong 81-mm mortar projectile ang tumama sa hindi bababa sa apat (4) na bahay sa Barangay Kitango na ikinasawi ng dalawang bata, may edad sampu (10) at pito (7), habang 14 naman ang nasugatan. (Bureau of Public Information)