SPECIAL GEOGRAPHIC AREA—Muling ginunita ng Bangsamoro Government ang isa mga trahedyang naranasan sa pakikibaka ng Bangsamoro, ang Manili massacre, na nagdulot ng pagkamatay ng 70 katao sa loob ng isang masjid sa Barangay Manili, Carmen, Cotabato Province, noong ika-19 ng Hunyo 1971.
53 taong lumipas nang magsagawa ng isang marahas na atake ang dating Philippine Constabulary and Ilaga sa mga walang labang sibilyan na kinabibilangan ng mga kalalakihan, kababaihan, at bata sa nasabing barangay ay inalala ng Ministry of Public Order and Safety (MPOS) kasama ang Project TABANG ng Office of the Chief Minister ang nasabing trahedya sa pamamagitan ng pamimigay ng mga mahahalagang serbisyo sa mga residente ng komunidad.
Pinangunahan ni Assistant Senior Minister Abdullah Cusain, na siya ring Manager ng Project Tulong Alay sa Bangsamorong Nangangailangan (Project TABANG), isa sa mga flagship program ni Chief Minister Ahod Ebrahim, ang distribusyon ng 500 sako ng 25-kg ng bigas kabilang ang ibang mga serbisyo.
Sa eksklusibong panayam, sinabi ni Cusain na ang paggunita sa mga nangyari ay hindi nangangahulugang pagtatanim ng galit sa kasalukuyang henerasyon. Bagkus, ito ay paraan ng pagpaparangal sa mga nasawi at isang paalala sa mas batang henerasyon upang ito ay di na muling maulit pa.
“Ito ay isang paraan ng pagpapaalaala sa ating sarili sa nakaraang pangyayari upang maunawaan ng mga nakababatang henerasyon ang ating ipinaglaban,” paliwanag ni Cusain.
Dagdag pa niya na habang ang Manili ay hindi bahagi ng pangunahing teritoryo ng rehiyon, bahagi pa rin sila ng nasasakupan, at ang utos ng Chief Minister ay “walang Bangsamoro ang mapag-iiwanan”.
Nagpasalamat naman ang tatlumpu’t limang taong gulang na si Akmad Lagasan sa Bangsamoro government para sa pag-alala sa trahedyang nangyari at para na rin sa lahat ng mga serbisyong kanilang natanggap mula sa iba’t ibang ministry at opisina sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
“Malaki ang pasasalamat namin sa liderato ng BARMM dahil hindi nila kami nakalimutan,” saad ni Lagasan.
[Masla benal a sukol ka so mga kaunutan sa BARMM an di kami nilan kalipatanan]
(Abdullah Matucan, Bai Omairah Yusop/BIO na may ulat mula sa Project TABANG)