COTABATO CITY—Umabot sa P15 milyon ang tulong pinansyal na iniabot ng Bangsamoro Government noong ika-23 hanggang 25 ng Enero sa 983 Micro, Small, and Medium Enterprises (MSMEs) na naapektuhan ng Bagyong Paeng.
Sa pamamagitan ng Ministry of Trade, Investments, and Tourism (MTIT), layunin ng inisyatibang ito na makapagbigay ng suportang pinansyal sa mga MSME na may negosyong bahagyang o tuluyang napinsala ng Bagyong Paeng upang matulungang maibangon ang lokal na ekonomiya sa Bangsamoro.
Ayon sa naisagawang validation at assessment ng MTIT, mga sari-sari store at convenience store ang lubhang naapektuhan.
Sinabi ni Trade Industry Development Analyst Adnan Calim ng MTIT nang maipamahagi ang tulong pangkabuhayan na patuloy pa rin ang pagtulong ng Govenrment of the Day sa mga local entrepreneur upang makabangon mula sa pinsalang naidulot ng Bagyong Paeng.
“Ang mga benepisyaryo ay yung may mga negosyong napinsala ng Bagyong Paeng na natukoy at na-validate ng mga opisyales bago makatanggap ng tulong,” pahayag ni Calim.
Pinaalalahan niya rin ang mga benepisyaryo na kaagad gamitin ang nakuhang tulong para sa kanilang negosyo at hindi para ipaglibang lang.
“Mahalaga na suportahan ang mga MSME sa pagpapalago ng ekonomiya at sustainability sa rehiyon,” dagdag niya.
Samantala, nagpasalamat naman si Baika Ebus Sandukan, 67-taong gulang at may-ari ng isang sari-sari store sa Mother Barangay Bagua, Cotabato City, para sa pagkakatanggap ng P15,000.00 tulong pinansyal. Aniya, maidadagdag ito sa kanyang puhunan.
“Ang halagang ito ay malaking tulong para sa mga katulad ko na may maliit na negosyo bilang dagdag puhunan,” ani Sandukan.
“Nagpapasalamat kami sa BARMM government para sa kanilang suporta at nagpapatuloy na programa upang maiangat ang sosyo-ekonomikong kalagayan”, dagdag niya. (Johaira Sahidala, Bai Omairah Yusop/BIO)