SPECIAL GEOGRAPHIC AREA—Nagbigay ng karagdagang kagalakan ang 5th Bangsamoro Foundation Day para sa mga komunidad ng Indigenous People (IP) sa Barangay Kitulaan sa Carmen Cluster ng Special Geographic Area (SGA) nang pasinayaan ang bagong multi-purpose building mula sa regional government noong ika-25 ng Enero.
Magsisilbing learning center para sa mga IP ang nasabing gusali na nagkakahalaga ng P1.5 milyon. Ito ay pinondohan sa pamamagitan ng Development Impact Fund (TDIF) ng dating Member of the Parliament at kasalukuyang minister ng Ministry of IP Affairs, Melanio Ulama.
Ang naturang gusali ay ipinatupad ng Ministry of Public Works.
Sa sukat na nasa 76.5 square meters, kakayaning makapagdaos dito ng maliliit na pagtitipon at ibang mga aktibidad kaugnay sa IP gaya ng mga pagpupulong, pagtuturo ng mga nakaugaliang batas sa mga batang henerasyon, at pagsasaayos ng alitan. Ayon kay MIPA Director General Judith Tinio, ang mga ito ay nagpapakita lamang na ang boses ng mga IP ay pinapakinggan ng BARMM government.
Sinabi ni Tinio, na miyembro mismo ng IP, na ang pasilidad ay hindi lamang gusali, bagkus sumisimbolo ito ng dedikasyon ng Bangsamoro Government na mapabilang sa mga proyekto at usapin ang kapakanan ng mga IP.
“Hindi lamang ito gusali lamang kundi ito ay isang simbolikong istraktura na ang hinaing ng ating mga IP ay pinapakinggan ng gobyerno,” sinabi ni Tinio.
Ang SGA ay binubuo ng 63 barangay na galing sa Cotabato Province at naging opisyal na bahagi ng teritoryo ng BARMM matapos ang isinagawang plebesito noong ika-6 ng Pebrero 2019.
Samantala, pitong barangay naman mula sa Carmen na karamihan ay dominante ng tribong Maguindanaon ang napabilang din sa nasabing teritoryo, ngunit namumukod-tangi rito ang tribong Aromanen Manuvu, nag-iisang barangay na may komunidad ng IP, na namumuhay nang maayos kasama ang dominanteng tribo.
Nagpahayag naman ng pasasalamat ang mag-asawang Juvy at Rodolfo Palawan, si Rodolfo bilang pinuno ng tribo, para sa BARMM, aniya, “Hindi na namin kailangang magdaos ng pagpupulong at ibang aktibidad sa ilalim ng puno ng mangga.
Matatandaang nangako si Chief Minister Ahod Ebrahim sa pagdiriwang ng buwan ng IP noong nakaraang taon na isusulong ang mga karapatan ng IP sa BARMM
“Sa Bangsamoro, nakatuon tayo sa pagsusulong ng mga karapatan ng mga indigenous people at kanilang partisipasyon sa pamamahala at pagpaplano sa komunidad,” mensahe ni CM sa idianaos na okasyon. (Abdullah Matucan, Bai Omairah Yusop/BIO)