COTABATO CITY—Idinagdag ng Ministry of Social Services and Development (MSSD) ng Bangsamoro Government ang Iranun District Hospital (IDH) bilang isa sa mga partners nito sa ilalim ng Bangsamoro Critical Assistance for Indigents in Response to Emergency Situations o B-CARES program.
Noong ika-27 ng hulyo, iniabot ni MSSD Director General Atty. Mohammad Muktadir Estrella kay IDH Chief Dr. Haris Macapeges ang tsekeng may halagang Php2-milyon upang mabigyan ng tulong medikal ang mga mahihhirap na pasyente sa pamamagitan ng B-CARES program. Silang dalawa ay lumagda rin ng isang memorandum of agreement para sa pagpapatupad ng nasabing programa.
Sakop ng B-CARES ang mga gastusing pang-ospital at gamot at iba pang medical treatments o procedures gaya ng laboratory fees, dialysis, chemotherapy, computed tomography (CT) scan, magnetic resonance imaging (MRI), at anti-retroviral therapy.
“Kapag sinabi nating ang mga Bangsamoro ay may karapatan sa kalusugan, dapat tayong humingi ng accountability sa ating gobyerno. At yan ang ginagawa natin sa Bangsamoro Government. Nangangako tayong gagawin ‘yun kahit pa matapos ang transition period at kahit pa sa unang regular government ng Bangsamoro Government,” pahayag ni Estrella.
Sinabi ni Estrella na ang Php2-milyong pondo ay paunang alokasyon pa lamang ng MSSD sa ospital.
“Ito ay simula pa lamang. Ang Iranun District Hospital ay pwedeng humiling ng replenishment upon liquidation. Kami ay nangangakong maghahatid ng serbisyo at magiging partner ninyo sa pagsiguro na matutulungan natin ang mga higit na nangangailangan,” dagdag pa niya.
Nagpasalamat naman si Chief Macapeges sa MSSD at sinabing ang tulong medikal ay makakatulong hindi lamang sa mga mahihirap na pasyente sa mga munisipyong Iranun ng Parang, Matanog, Barira, Buldon, at Sultan Mastura sa Maguindanao del Norte, kundi pati rin sa mga mula pa sa karatig-bayan ng Lanao del Sur.
Sa ngayon, mayroon nang 14 partner hospitals ang B-CARES sa buong Bangsamoro region, kabiklang dito ang mga sumusunod:
- Sulu Integrated Provincial Hospital;
- Pangutaran District Hospital sa Sulu;
- Lamitan District Hospital sa Basilan;
- Basilan General Hospital sa Isabela City;
- Datu Halun Sakilan Memorial Hospital sa Bongao, Tawi-Tawi;
- Maguindanao Integrated Provincial Hospital;
- Amai PakPak Medical Center (APMC) sa Lanao del Sur;
- Cotabato Regional Medical Center (CRMC) sa Cotabato City;
- Cotabato Sanitarium in Sultan Kudarat; at
- para sa Special Geographic Area (SGA) — Community Health Service Cooperative Hospital (COHESCO) sa Midsayap Cluster, DESERET Surgimed Hospital at Dr. R.A.M. Albutra General Hospital sa Kabacan Cluster, at Cruzado Medical Hospital sa Pikit Cluster.
Maliban sa mga ospital ay nakipag-ugnayan din ang MSSD sa Mercury Drug Store upang makapagbigay ng libreng gamot sa mga mahihirap na pasyente ng Bangsamoro region. (Myrna Tepadan, Bai Omairah Yusop/BIO na may ulat mula sa MSSD)