SPECIAL GEOGRAPHIC AREA —Pormal nang sinimulanang pagpapatayo ng 100 resettlement housing para sa mga residente ng mga bayan ng Old Kaabakan at Malidegao sa Special Geographic Area (SGA) matapos pangunahan ng mga opisyales mula sa Bangsamoro Government ang isinagawang groundbreaking ceremony noong Miyerkules, ika-23 ng Hulyo.
Sa pangunguna ng Ministry of Human Settlements and Development (MHSD), dalawang magkahiwalay na seremonya ang idinaos para sa 50 housing units sa Barangay Pedtad, Old Kaabakan, at 50 units din para sa mga residente ng Batulawan, Malidegao.
Ang dalawang bayan ay bagong tatag ng naipasang regional laws sa Bangsamoro Parliament at naratipikahan sa pamamagitan ng plebisito na isinagawa ng Commission on Elections.
Sa Barangay Pedtad, ibinahagi ni Captain Datu Adan Mantawil na maliban sa resettlement housing mula sa MHSD, tumanggap na rin sila ng 50 housing units mula sa Kapayapaan sa Pamayanan (KAPYANAN) —isa sa mga flagship projects ni Chief Minister Ahod Ebrahim na nagbibigay ng maayos na pabahay para sa mga ‘poorest of the poor’, internally displaced persons, biktima ng labanan, indigenous people, at iba pang mahihirap na miyembro komunidad.
“Nagpapasalamat kami sa Chief Minister para sa lahat ng mga proyektong natanggap namin mula sa BARMM,” sinabi ni Mantawil.
Ibinahagi naman ni MHSD Director General Esmael Ebrahim na personal na dumalo sa okasyon na ang kanilang tanggapan ay ginagawa ang lahat upang matugunan ang kakulangan ng pagkakaroon ng permanenteng bahay para sa mga mamamayang Bangsamoro.
Sa BARMM, mahigit 300 libong pamilya ang walang permanenteng bahay kaya naman ginagawa natin ang lahat para unti-unting matugunan ito,” pahayag ni Ebrahim.
Binigyang-diin ni Esmael na ang resettlement project ay walang bayad at may kasama pang titulo ng lupa, isang lote at bahay.
“Ito ay 3-in-1, matatanggap ng mga benepisyaryo ang lote, bahay, at titulo ng lupa na walang bayad,” dagdag ni Ebrahim na umani ng palapak mula sa mga dumalo.
Sinabi naman ni Member of the Parliament Mohammad Kellie Antao sa kanyang message of support na ang mga proyektong ito ay kabilang sa kolektibong pagsisikap ni Chief Minister Ebrahim na pagsilbihan ang mamamayang Bangsamoro.
“Ito ay inisyatiba ng ating Chief Minister na pagsilbihan ng ating mga nasasakupang hindi nakaranas na maatira sa isang disenteng bahay,” ani Antao.
Samantala, pinaaalahanan naman ni MHSD-SGA Provincial Director Hamzah Salik ang mga magiging benepisyaryo ng naturang proyekto na pangalagaan ang mga housing units kapag ito ay pwede nang matirahan dahil sa ito ay ipinagkatiwala rin sakanila ng Diyos.
“Maipakikita natin ang ating commitment sa mga bagay na ipinagkatiwala sa atin sa pamamagitan ng pangangalaga natin dito,” sinabi ni Salik, na binanggit din ang ilang mga salita mula kay Prophet Muhammad (Peace Be Upon Him).
Ayon sa disenyong naaprubahan, bawat unit ay nasa 120sqm na lote, may tatlong kwarto, kusina at dining room, living room, comfort room, porch, at service area.
Ang 40-milyong proyekto sa Pedtad ay pinondohan sa pamamagitan ng 2022 Special Development Fund samantalagang 38-milyong pondo para sa site sa Batulawan ay kinuha mula sa 2024 General Appropriation Acts of the Bangsamoro. (Abdullah Matucan, Bai Omairah Yusop/BIO)