Cotabato City (Mayo 20, 2020)—Pitumpu’t tatlong (73) midwives mula sa probinsiya ng Maguindanao ang opisyal na nanumpa sa tungkulin nitong martes, ika-19 ng Mayo sa Minisitry of Health (MOH-BARMM) training center, sa Cotabato City.
Pinangunahan ni Health Minister Dr. Safrullah Dipatuan ang oath-taking ceremony ng mga bagong talagang midwifery personnel, kabilang ang sampung (10) iba pa na para sa regional office.
Sinabi ni Dr. Dipatuan na, “isa sa ating mga layunin ay lagyan ng Barangay Health Station (na may kumpletong pasilidad at kagamitan para sa bawat midwife) ang bawat barangay na sakop ng Bangsamoro region.
Ang mga miyembro ng Midwife in Every Community in Autonomous Region in Muslim Mindanao (MECA 1) ng dating ARMM ang unang nakatanggap ng regular employment status.
Ang tanggapan ng MOH-BARMM ay umapila sa Department of Budget and Management (DBM) na ipagpatuloy ang pagbibigay ng regular status sa mga midwives na kabilang sa MECBA-2.
Tiniyak ni Minister Dipatuan na sa sandaling matapos ng Civil Service Commission (CSC) ang appointment ng MECBA 2, ay maisasaayos na rin ang benepisyong dapat na matanggap ng mga ito sa GSIS, PhilHealth, Pag-IBIG at iba pang mga benepisyo.
Plano rin ng MOH na magdagdag pa ng higit isang daang midwives sa Bangsamoro region, at hinikayat ang mga midwives sa rehiyon na mag-apply upang maging bahagi ng human resources para sa programang pangkalusugan.
Samantala, inanunsyo ni Dr. Ehsan D. Paudac, pinuno ng MECBA, na makakatanggap ng sampung libong piso (Php10,000.00) mula sa MOH-BARMM ang bawat miyembro ng MECBA 1 at MECBA 2 bilang Emergency Relief Assistance Allowance (ERAA).
Ibinahagi naman ni Sambra C. Abas, 31, residente ng Bulalo, Sultan Kudarat sa Maguindanao, na naghintay siya ng limang (5) taon upang makuha ang kanyang appointment. Ayon pa sa kanya ay mahirap nang bahagya ang recruitment process, lalo na ngayong marami nang rehistradong midwife sa rehiyon.
“Alhamdulillah! Malaking blessing ‘yong mapasama ako dito, lalo na Ramadhan ngayon. Shukran sa Ministry of Health sa pagbibigay ng serbisyo nang ‘Makabagong BARMM’ ngayon at natupad na ang matagal na naming hinihintay, “ani Abas.
Ngayong araw, pormal ring nanumpa sa tungkulin ang tatlumpu’t walong (38) midwifery personnel mula naman sa probinsya ng Basilan at Lungsod ng Lamitan. (Bureau of Public Information)