MARAWI CITY — Nagturn over ang Bangsamoro Government sa pamamagitan ng Ministry of the Interior and Local Government (MILG) sa Lanao del Sur Provincial Government ng halagang P53,361,000 noong ika-30 ng Mayo 2024 para sa pagpapatayo ng 20 bagong barangay hall sa probinsya.
Sa isinagawang seremonya ay personal na iniabot ni MILG Minister Atty. Sha Elijah Dumama-Alba ang naturang halaga kay Governor Mamintal “Bombit” Alonto Adiong Jr. Kabilang ang pondong ito sa unang tranche ng mas malaking alokasyong galing sa General Appropriations Act of the Bangsamoro (GAAB) 2023 at inaasahang magbabago sa imprustruktura para sa lokal na pamamahala sa probinsya.
“Lubos ang aming pasasalamat sa pondong ito na mahalaga para sa pagpapatayo ng mga barangay hall. Ang inisyatibang ito ay makatutulong na maisagawa ng mga barangay official natin ang kanilang mga responsibilidad sa kanilang mga nasasakupan,” sinabi ni Governor Adiong.
Ang proyektong ito ay pundasyon ng komprehensibong plano ng BARMM na mapabuti ang lokal na pamamahala. Magsisilbi ang mga barangay hall bilang sentro para sa mga gawaing administratibo, pagtitipon sa komunidad, at pagbibigay ng mga serbisyong pampubliko. Dinisenyo upang mapadali ang operasyon ng barangay, ang mga ito ay inaasahang mag-streamline ng pamamahala at mapalakas ang mga serbisyo sa komunidad.
Sa pagtatapos ng transition period, layunin ng Bangsamoro Government of the Day na makapagtatag ng isang nagsasarili at maunlad na komunidad ng Bangsamoro sa pamamagitan ng mga istratehikong proyektong pang-imprustruktura at nagpapatuloy na suporta para sa mga lokal na inisyatiba.
Sa kanyang mensahe, muling pinagtibay ni Minister Dumama-Alba ang commitment ng MILG sa pagtulong na mapabuti ang paghahatid serbisyo ng mga lokal na pamahalaan sa kanilang nasasakupan.
“Hindi lamang nagtatapos ang pagtulong ng Bangsamoro Government sa pagbibigay ng mga istrukturang ito. Makatitiyak kayo na kami ay nakatuon sa patuloy na pagpapabuti ng komunidad ng Bangsamoro,” aniya.
Inaasahang makapagbibigay ng bagong trabaho sa lokalidad ang pagpapatayo ng mga bagong barangay hall.
Dagdag pa rito, nais ng MILG na mas mapabuti ang imprustruktura ng pamamahala upang makahikayat ng mas maraming investment, na siyang makatutulong sa pangkalahatang pag-unlad ng Lanao del Sur. (Norjana Malawi, Bai Omairah Yusop/BIO na may ulat mula sa MILG)