COTABATO CITY—Iprinisenta ng Bangsamoro Women Commission (BWC) ang mga opisina na may matataas na GAD utilization para sa fiscal year (F.Y.) 2022 noong ika-26 ng Hunyo upang mas mapabuti pa ang implementasyon ng mga programang kaugnay sa gender and development (GAD) sa Bangsamoro region.
Ang dedikasyong ito ay nagbunga ng kahanga-hangang resulta na nasa 9.12% GAD utilization rate.
Base sa nakalap na mga datos, ito ang sampung (10) ministry at opisinang may matataas na GAD utilization rate noong 2022:
* Office of the Chief Minister (OCM)
* Ministry of Science and Technology (MOST)
* Bangsamoro Transition Authority (BTA)
* Ministry of Indigenous Peoples’ Affairs (MIPA)
* Ministry of Health (MOH)
* Bangsamoro Sports Commission (BSC)
* Bangsamoro Attorney General’s Office (BAGO)
* Bangsamoro Planning and Development Authority (BPDA)
* Cooperative and Social Enterprise Authority (CSEA)
* Ministry of Labor and Employment (MOLE)
Nanguna rito ang OCM na nakapagtala ng utilization rate na 48.58%, sinundan ng MOST na nasa 12.19%, ang BTA na nasa 12.10%, ang MIPA na nasa 11.53%, at ang MOH na umabot sa 6.90% na utilization rate.
Ayon kay BWC Chairperson Bainon Karon, ito ay nagpapakita lamang na ang Bangsamoro Government ay binibigyang prayoridad ang pagpapatupad ng mga programang para sa mga kababaihan na tumutugon sa kanilang pangangailangan.
Ang naisagawang dalawang araw na midterm assessment of the 2023 Plan and Budget (GPB) ay kabilang sa pagsisikap ng regional government upang magkaroon ng inklusibong programa para sa mga kababaihan, at matiyak na mayroon silang pagkakataong maipahayag ang kanilang mga sarili, lalo pa sa kanilang kontribusyon sa pagtatatag ng mapayapang komunidad.
“While this is good news for the region, we still need to improve our implementation. Thus, this assessment is conducted to complement and mutually understand each other to improve our implementation and reporting,” pahayag ni Karon.
Dagdag pa niya na layunin ng programa na matukoy kung ang bawat ministry at opisina ba ay nagpapatupad ng mga aktibidad na may kaugnay sa GAD sa kanilang kabuuang budget. Kinakailangan din na ang mga patakaran sa Regional Action Plan on Peace, Women, and Security (RAPWPS) ay rumeresponde sa iba’t ibang pangangailangan ng mga kababaihan upang makapagtatag ng konkreto at gender-sensitive na mga plano na layuning maisulong at maprotektahan ang kapakanan at karapatan ng bawat sektor sa BARMM. (Aisah Abas, Bai Omairah Yusop/BIO)