PATIKUL, Sulu —Nag-organisa ang Bangsamoro Commission for the Preservation of Cultural Heritage (BCPCH) ng isang Conference on History noong ika-29 hanggang ika-30 ng Hulyo sa SSC Hostel, Sulu State College sa Patikul na tumipon sa mga municipal tourism officer, guro, at mga kinatawan mula sa mga partner schools at colleges.
Layunin ng aktibidad, na tinawag na “Unveiling the History of Sulu: A Conference on Historical Research Methodology”, na matipon ang mga mananalaysay, mananaliksik, at iskolar para sa pagbabahagi ng kanilang kaalaman patungkol sa kasaysayan ng Sulu. Hangad din nito na mapreserba ang kasaysayan, maisulong ang kolaborasyon, mapahusay ang pamamaraan sa pananaliksik ng kasaysayan, at mapagyaman ang matalinong diskusyon.
Nagpresenta si University of the Philippines (UP) Diliman Professor Darwin J. Absari ng kanyang paksa patungkol sa “Pre-Islamic history of Sulu” at “Islamization of Sulu and Its Contributions” upang makapagbigay ng ideya sa kasaysayan ng Sulu bago ang pagdating ng Islam at upang mabigyang-ddin ang epekto ng ‘Islamization’ sa kultura at pag-unlad ng rehiyon.
Para lalong mas maintindihan ang mga makasaysayang kaganapan at dinamiko noong colonial era na humubog sa pagkakakilanlan at lipunan ng Sulu ay tinalakay naman ni UP Diliman Professor Abraham P. Sakili ang “Colonial Period of Sulu”.
Dagdag pa rito, binigyang pokus ni Mindanao State University-Sulu Professor Hannbal H. Bara ang mga paksang “Contemporary History of Sulu” at “Historiography and historical research methodology” na layuning mapalawak ang pang-unawa ng mga dumalo patungkol sa historical research at documentation techniques.
Binigyang-diin naman ni BCPCH Community Affairs Officer Aaron-Jeff D. Usman na ang aktibidad ay parte ng pag-mainstream ng kultura, kasaysayan, at pagkakakilanlan sa mga educational framework. Binanggit niya na tinitingnan ng komisyon ang pagsasama ng mga output sa kurikulum ng elementary at secondary level.
“Ang mga aktibidad na ginagawa natin ay bahagi ng pag-mainstream ng kultura, heritage, at pagkakakilanlan, na kabilang sa mga haligi ng 12-Enhanced Priority Agenda ni Chief Minister Ahod Ebrahim,” pahayag ni Usman sa isang panayam.
“Tinitingnan namin ang mas malapit na perspektibo ng pagsasama ng mga ganitong klase ng kumperensya, ideya, at paggawa ng mga publikasyon sa pamamagitan ng pagsusulat ng kasaysayan ng Bangsamoro, na ipapasok din sa pagbuo ng kurikulum upang magamit ng ating mga guro, lalong-lalo na yung mga nasa grassroot level, kabilang ang elementary at secondary level ng edukasyon,” dagdag niya. (Alline Jamar Undikan, Bai Omairah Yusop/BIO)