COTABATO CITY—Opisyal nang inilunsad ng Philippine Statistics Authority (PSA-BARMM) nitong Lunes, ika-4 ng Setyembre, ang pagsisimula ng 2022 Census of Agriculture and Fisheries (CAF) na isasagawa sa buong rehiyon upang makakalap ng wasto at napapanahong mga datos na kinakailangan para sa matalinong pagdedesisyon, paglalaan ng budget, at pagbabalangkas ng mga polisiya sa Bangsamoro region.
Ang CAF ay isang malakihang aktibidad ng gobyerno na nakasentro sa pagkalap ng makabuluhang datos ukol sa sektor ng agrikultura at pangisdaan ng Pilipinas. Ang makokolektang datos ay may mahalagang papel sa pagbuo ng mga plano, pagpapaunlad ng ekonomiya, pagsiguro ng sapat na suplay ng pagkain, at pagtataguyod ng sustainable practices, na mahalaga para sa kapakanan ng komunidad at lokal na pag-unlad.
Sinabi ni PSA-BARMM Officer-in-Charge Regional Director, Engr. Akan G. Tula, na ang agrikultura at pangisdaan ang ‘lifeblood’ ng bansa. Ayon pa sa kanya, ang paglulunsad ng census ay mahalaga sa kanilang commitment sa pag-intindi, pagsulong, at pagpanatili ng kasaganahan sa mga sektor na ito.
“Ito ay testamento ng ating dedikasyon sa komprehensibong pagkokolekta ng datos, matalinong paggawa ng desisyon, at pagpapanatili ng paglago ng mga napakahalagang industriyang ito,” sinabi ni Tula.
Ibinahagi naman ni BARMM Senior Minister Abunawas, na nirepresenta ni Attorney V Ariff Lao, ang kahalagahan ng mga sektor ng agrikultura at pangisdaan sa pagtiyak ng seguridad sa pagkain, pagbibigay ng kabuhayan, at pagiging pundasyon ng lokal na ekonomiya.
“Ang mga makakalap na datos ay importante, lalo na sa pagsusulong ng sustainable na pamamaraan ng pagsasaka at pangingisda […] na lilikha ng mga oportunidad upang mas umabot ang mga produktong pang-agrikultura at pangisdaan sa mas malawak na merkado, na siyang makakabawas sa hindi magandang epekto ng climate change sa sektor ng agrikultura at pangisdaan, bukod sa iba pa,” ani Abunawas.
Binanggit din ni Bangsamoro Information Office (BIO) Executive Director Ameen Andrew Alonto na ang paglunsad ng census ay nagpapatunay ng kanilang commitment sa pagsusulong ng transparency, accountability, at decision-making sa loob ng Bangsamoro region.
“Ang mga datos, kapag nakolekta na, ay hindi lamang makatutulong sa pagbabalangkas natin ng mga targeted policies, kundi magbibigay din ng access sa mga kinakailangang resources at suporta mula sa national government at pati na rin mula sa mga international agencies,” pahayag niya.
Sa BARMM, 803 na census personnel ang ide-deploy na binubuo ng 595 statistical researchers, 122 team supervisors, 43 census area supervisors, at 43 assistant census area supervisors.
Kasama sa mga target respondents sa mga kabahayan ang mga operator ng crops, livestock, poultry, insect/worm culturing, at aquaculture. Habang ang mga barangay chairman o sinumang nanunungkulang opisyal ng barangay, ang magiging kalahok sa barangay level.
Samantala, nagpahayag naman si Ministry of Agriculture, Fisheries, and Agrarian Reform (MAFAR) Bangsamoro Director-General for Agriculture Dr. Daud Lagasi ng kanilang commitment na magbigay ng tulong at gabay sa mga enumerators sa pagbisita nila sa mga malalayong probinsya at munisipalidad. Kanya ring binanggit ang kahalagahan ng pagkalap ng mga wasto at mapagkakatiwalaang datos.
“Ang maling datos ay katumbas ng maling solusyon; ang tamang datos ay susi sa tamang solusyon,” ayon sakanya.
Ang pagsisikap ng Government of the Day sa pagsasagawa ng CAF ay nakahanay sa Enhanced 12-Point Priority Agenda ni Chief Minister Ahod Ebrahim na nagsisiguro ng mas malakas na burukrasya ng BARMM, mataas na agri-fishery productivity, at mas pinabuting seguridad sa pagkain. (Johamin Inok, Bai Omairah Yusop/BIO)