COTABATO CITY—Hinimok ni Chief Minister Ahod Ebrahim ang mga miyembro ng parliyamento na madaliin ang pagpasa sa mga priority bills at inilatag ang legislative priority agenda ng Government of the Day sa 2nd regular session ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) noong Lunes, a kinse ng Mayo 2023.
Ibinahagi ni Ebrahim sa ceremonial opening session na ang pagsasabatas ng Bangsamoro Electoral Code (BEC) noong buwan ng Marso ay naging daan sa regional government na ipatupad ang apat na batas na naiatang sa parliyamento.
“These codes and other priority legislations are meant to complete the organizational and legal structures for the regular Bangsamoro government,” pahayag ni Ebrahim patungkol sa mga ‘priority codes’ na nakasaad sa Republic Act 11054 o Bangsamoro Organic Law (BOL).
Kaugnay pa rin dito, binanggit ni Ebrahim kailangan na ring madaliin ang pagpasa ng Local Government Code at ang Revenue Code, na ayon sa kanya ay binabalangkas na ng mga technical at legal drafters at inaasahang maiahain sa mga lawmakers.
Kasabay ng mga priority codes ay inilahad din ni Ebrahim ang kanyang legislative agenda para sa ikalawang regular session.
“Today, as we gather to open the 2nd regular session of the new BTA, it is my honor to report to you our priority agenda for the new legislative calendar,” sinabi ni Ebrahim.
Kasama rito ay ang inklusibo, patas at katanggap-tanggap na Indigenous People’s (IP) Code, pangangalaga sa cultural heritage, at mga panukalang ‘holiday’ lalo pa’t ang rehiyon ay may mga mahahalagang araw na ginugunita.
Kinilala rin ni Ebrahim ang kahalagahan ng nationally funded program na ipinapatupad sa rehiyon kaya naman ipinursige niya ang agarang pagsasabatas ng ‘revolving fund’ na ilalaan para sa sweldo ng mga manggagawa sa ilalim ng national funded programs na umanoy kalimitang naaantala dahil sa mga administrative arrangements.
“As emphasized in one hadith (actions, approvals, or attributes that have been narrated from Prophet Mohammad peace be upon him), it is imperative for us to pay the workers their dues before their sweats have dried up. As such, I expect the full support of my dear colleagues for the immediate passage of this law,” pagpapaliwanag ni Chief Minister.
Kanya ring tinalakay ang mga batas ukol sa budget system, investment code, labor code, at ang paglikha ng Lake Lanao Development Authority (LLDA) at ang pagtatatag ng mga Government-owned and controlled corporations (GOCCs).
Sa usaping pang-edukasyon, pinagtutuunang pansin din ngayon ni Chief Minister ang pagtatayo ng Bangsamoro Science High School upang magamit ang teknolohiya at inobasyon para mapataas ang mga oportunidad sa socioeconomic at mas mapabuti at mapalawig pa ang mga serbisyo sa rehiyon ng Bangsamoro kasabay ang pagpapalakas ng MMA Act 164 o Regional Madrasah Graduate Education Act of 2003.
Nanawagan din sya sa BTA parliament na suportahan ang pagsasabatas ng mga panukalang tumatalakay sa mga karapatan ng mga internally dislaced persons (IDPs), Magna Carta for persons with disabilities, at ang gender and development code na tumutugon sa gender issues na naaayon sa konteksto ng buong rehiyon.
Hinikayat at tinatawagan ni Chief Minister Ebrahim ang lahat na magtulungan upang matagumpay na matapos ang kanilang mga nasimulan.
“Ladies and gentlemen, let us finish what we have all started. Building a government worthy of the name ‘Bangsamoro’ is our most vital duty,” aniya. (Abdullah Matucan, Bai Omairah Yuosp/BIO)