COTABATO CITY—Pinangunahan ni Bangsamoro Government Chief Minister Ahod Ebrahim noong Sabado, ika-13 ng Hulyo ang oath of office and moral governance ng mga bagong talagang opisyales ng walong bagong tatag na munisipalidad sa Special Geographic Area (SGA).
Walong OIC mayor, walong OIC vice mayor, at 64 OIC municipal councilor ang nanumpa sa Shariff Kabungsuan Cultural Complex (SKCC) sa loob ng Bangsamoro Government Center dito sa siyudad na siyang dinaluhan ng kanilang mga tagasuporta, kaibigan, at kamag-anak, kasama ang mga matataas na opisyales mula sa regional government.
Inilarawan ni Chief Minister Ebrahim ang seremonya bilang “makasaysayan” at sinabi na ang kaganapan ay nagpapahiwatig ng bagong tatak ng pamamahala na nakaugat nang malalim sa adbokasiyang moral governance.
“Ang seremonyang ito ay nagpapahiwatig ng bagong tatak ng pamumuno at pag-asa na nakaugat nang malalim sa ating adbokasiyang moral governance at ang ating mithiin para sa isang malakas, nagkakaisa, at progresibong Bangsamoro,” sinabi ni Ebrahim.
Matatandaan na noong ika-30 ng Abril nitong taon ay nilagdaan ni Ebrahim ang isang executive order na lumikha sa isang Ad Hoc screening and review committee para sa mga aplikante sa mga municipal positions ng walong bagong bayan ng SGA.
Nailabas ang nasabing EO ilang linggo makaraang mag-anunsyo ang Commission on Elections na 72,658 sa 89,594 rehistradong botante ang bumoto ng YES sa isang plebisito na nagdulot sa pagkakaratipika ng batas na siyang lumikha sa walong bagong bayan ng SGA.
Ibinahagi naman ni Ministry of the Interior and Local Government (MILG) Minister Atty. Sha Elijah Dumama-Alba, na siya ring nagsilbi bilang chairman ng Ad Hoc screening and review committee, sa isang post-ceremony media interview na ang mga bagong likhang munisipalidad ay makatatanggap ng National Tax Allocation (NTA) mula sa national government, at naglagak din ang regional government ng pondo para sakanilang operasyon.
“Nakikipag-ugnayan na kami sa national government sa pamamagitan ng Department of Budget and Management (DBM) para sa kanilang NTA,” sinabi ni Dumama at ipinaliwanag na nag-abiso na sakanila ang DBM patungkol sa mga kinakailangang requirements.
Ang SGA ay isang Moro enclave na nagmula sa Cotabato Province at naitatag sa pamamagitan ng isang plebisito noong 2019, na naghiwalay sa 63 barangay mula sa mga munisipalidad ng Carmen, Kabacan, Pikit, Midsayap, Aleosan, at Pigcawayan.
Sa pamamagitan ng naipasang regional legislation sa Bangsamoro Transition Authority (BTA) parliament, ang mga naturang barangay ay pinagsama-sama at binuo sa walong munisipalidad ng sumusunod: Pahamuddin, Kadayangan, Nabalawag, Tugunan, Malidegao, Ligawasan, Old Kaabakan, and Kapalawan. (Abdullah Matucan, Bai Omairah Yusop/BIO)