COTABATO CITY—Inaprubahan ng Commissions on Elections (COMELEC) noong ika-5 ng Hunyo ang Resolution No. 11004, na nagpapalawig ng application period para sa mga sectoral representative organization hanggang ika-1 ng Hulyo 2024, kaugnay sa paparating na parliamentary elections sa Mayo ng susunod na taon.
“Matapos ang isinagawang deliberasyon, sa bisa ng kapangyarihang ipinagkaloob ng Konstitusyon, ang Omnibus Election Code, ang Administrative Code ng 1987, at iba pang mga kaugnay na batas, sa pamamagitan nito ay PINAGTITIBAY, na MAPALAWIG ang panahon ng pagsasagawa ng iilang aktibidad sa BARMM,” ayon sa resolusyon.
[After due deliberation, the Commission En Banc, by virtue of the powers vested in it by the Constitution, the Omnibus Election Code, the Administrative Code of 1987, and other relevant statutes, hereby RESOLVES, to EXTEND the period for the conduct of certain activities in the BARMM.]
Matatandaan na binaggit ni COMELEC Chairperson George Erwin Garcia noong ika-3 ng Hunyo sa kanyang panayam na posibleng ma-extend ang filing, aniya, “Pinag-iisipan na natin baka pwede pang ma-extend yung filing ng ating petitions para sa pagpapa-accredit sa mga regional political parties.”
Nakasaad din sa dokumento na ang amended deadline ay sa darating na Agosto 30, para sa huling araw ng pagfile ng petisyon hinggil sa pagpaparehistro o akreditasyon ng isang koalisyon sa Bangsamoro region na may Manifestation of Intent to Participate in the Parliamentary Election (MIP-PE).
Na-extend sa Setyembre 30 ang huling araw ng pag-file ng MIP-PE ng Party Representative kasama ang listahan ng nominees at certificate of acceptance of nomination na may affidavit of non-affinity.
Sa ilalim ng Section 7 par. (c) ng Article VII ng Bangsamoro Organic Law (BOL), ang batas na nagtatag ng BARMM, ang sectoral representatives na bubuo ng 10%—may kabuuang walong (8 seats—ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) Parliament, partikular: dalawang seat bawat isa para sa non-Moro Indigenous peoples (NMIPs) at settler communities, at isang seat para sa women, youth, traditional leaders, at ang Ulama.
Noong ika-27 ng Mayo, hinimok ni Bangsamoro Government Spokesperson Mohd Asnin Pendatun sa isinagawang Usapang Bangsamoro press briefing na mas maraming sectoral representatives na lumahok sa darating parliamentary elections.
Mas gusto nating magtipon nang mas maaga para sa isang press conference upang maisulong at makahikayat ng mas maraming indibidwal na magpasertipika para sa sectoral representation sa ating BTA Parliament,” sinabi ni Pendatun, na siya ring Cabinet Secretary ng BARMM.
Ang Bangsamoro Government, sa pamamagitan ng Bangsamoro Information Office (BIO), ay pangungunahan ang kasalukuyang Halalang Bangsamoro campaign sa pagpapalaganap ng impormasyon patungkol sa Bangsamoro Electoral Code (BEC), ang batas na sumasaklaw sa gagawing botohan sa susunod na taon.
Katuwang ang COMELEC at mga civil society organizations (CSOs) sa kampanyang ito para gawing prayoridad at voter education at pagpapataas ng kamalayan at matiyak ang pagkakaroon ng isang maalam na botante para sa 2025 parliamentary elections. (Johamin Inok, Bai Omairah Yusop/BIO)