COTABATO CITY- Dumalo ang Regional Bangsamoro Board of Investments (BBOI) sa isinagawang 9th Annual International Conference and Exhibition 2023 noong Mayo a-uno hanggang a-tres sa Grand Hyatt Dubai, Dubai, United Arab Emirates.
Sa nasabing pagtitipon, ibinida ng mga delegado ng BARMM ang economic potential ng Bangsamoro region.
Naging daan din ang Dubai Expo para sa BBOI na makapaghikayat ng mga potential investors at inanyayahan silang bumisita sa rehiyon upang tuklasin ang turismo at potensyal na industriya na maaaring paglagakan ng investment.
Sa pangunguna ni Chairperson Mohamad Omar Pasigan, kasama sina Member of the Board of Governor Datu Habib Ambolodto, at Bangsamoro Economic Zones Authority (BEZA) Executive Director Atty. Sukarno Abas, binigyang diin ng delegasyon ng BARMM na sentro ng pagbabago, kaunlaran, at paglago ang BARMM.
“Our region is more than just a pretty face. It is a thriving hub of innovation, progress, and growth, with a diverse range of industries that provide endless opportunities for businesses of all sizes,” saad ni Pasigan.
Dagdag pa ni Chairperson Pasigan, tahanan ito ng mga industriya na nagsusulong ng makabagong teknolohiya, mga nangungunang research institutions, kilalang unibersidad, at malawak na ‘startups ‘ o mga nagsisimulang negosyo na unti-unting gumagawa ng ingay sa pandaigdigang ekonomiya.
Ang expo ay dinaluhan ng mahigit 1000 na kalahok, kasama rito ang mga free zone delegations, senior policymakers, global business leaders, multilateral organizations, investors, at sa academe mula sa mahigit 100 bansa sa mundo.
Pinangunahan ng World Free Zones Organization ( FZO) ang nasabing aktibidad na may temang “Global Trade 2.0: Zones, An Ecosystem of Trust Driving Prosperity.”, na kumakatawan sa interes ng mga free zone stakeholders.
“We persuaded them to consider making an investment in the region because when they do, they will be investing in a brighter future for themselves, their businesses, and the Bangsamoro community as a whole,” ayon kay BBOI Chairperson Pasigan.
Ang idinaos na expo ay isang mahalagang pagtitipon na nagbigay daan para sa mga kalahok upang makapagpalitan ng ideya, at makapagbahagi ng impormasyon kasabay ng pagbabago sa economic, social at technological spheres. (Kasan Usop, Jr., Bai Omairah Yusop/BIO na may ulat mula sa BBOI)