LUMBAYANAGUE, Lanao del Sur —Nagsagawa ng isang groundbreaking ceremony ang Ministry of Human Settlements and Development (MHSD) noong ika-7 ng Mayo upang masimulan ang pagpapatayo ng 50-unit housing resettlement project sa bayan.
Binigyang-diin ni MHSD Minister Hamid Aminoddin Barra na ang proyektong pabahay ng ministry ay para sa mga komunidad na lubhang naapektuhan ang mga kabahayan ng mga nagdaang kaguluhan at kalamidad.
“Nakalaan ang housing project na ito, na ipamimigay sa mga LGU [local government unit] nang pantay-pantay, para sa ating mga mujahideen, biktima ng mga kalamidad, at iba pang mahihirap na miyembro ng komunidad,” sinabi ni Minister Barra.
Kinilala rin ni Barra sa isinagawang seremonya ang mahalagang papel ng mga LGU para sa pagpapatupad ng mga proyektong pabahay.
“Hinihingi po namin ang tulong ng ating mga LGU, lalo na sa pagpapatayo ng mga kabahayan, dahil mas kilala nila ang mga mamamayan sa kanilang lokalidad. Ito rin ang dahilan kung bakit natin pinili ang mga LGU na lubhang naghirap dahil sa maraming taong kaguluhan,” dagdag niya.
Sa kanyang mensahe, ibinahagi ni Member of Parliament Marjanie Mimbantas-Macasalong na ang mabilis and epektibong implementasyon ng mga proyektong ito ay isa sa mga tagumpay ng Bangsamoro Government mula nang ito ay mabuo.
“Isa sa mga ipinagmamalaki nating tagumpay nung pumasok ang Bangsamoro Government ay yung kawalan ng mga ghost project. Sa totoo lang, kung titingnan natin ang mga proyekto [ng ma ministry], wala talagang ghost project. Tinitiyak natin na ang mga proyekto nila ay naipapatupad para sa mga talagang nangangailangan nito,” pahayag ni MP Macasalong.
Nangako naman ni Lumbayanague Vice Mayor Sultan Arimao Asum na ang kanilang LGU ay buo ang suporta upang maipatayo ang nasabing 50-unit housing resettlement.
Ayon din kay Mohammad Aiman Langlang, Chief of Staff ng Municipal Mayor, ay sisiguraduhin nila na ang mga kabahayang ito ay magkakaroon ng sapat na suplay ng tubig dahil sa malapit lang ito sa water system na ipainatayo ng Ministry of Public Works sa kanilang bayan.
Pinondohan ang housing resettlement project sa Lumbayanague, Lanao del Sur sa ilalim ng General Appropriation Act of the Bangsamoro (GAAB 2024). Isa ring groundbreaking ceremony ang idinaos noong ika-9 ng Mayo 2024, upang masimula ang konstruksyon ng 50 bahay sa Munisipalidad ng Kapatagan, sa pamamagitan ng Special Development Fund ng MHSD. (Norjana Malawi, Bai Omairah Yusop/ BIO)