MAGUINDANAO DEL NORTE—Opisyal nang miyembro ng Philippine National Police ang nasa 294 kasapi ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) matapos silang manumpa sa isinagawang oathtaking ceremony noong ika-28 ng Disyembre sa Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region (PRO BAR) sa bayan ng Parang.
Ang nasabing seremonya na personal na dinaluhan ni Secretary Atty Benjamin Abalos Jr. ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ay kabilang sa probisyon ng Republic Act 11054 o ang Bangsamoro Organic Law, na siyang nagsasaad ng mga polisiya sa Bangsamoro region.
Sa kanyang inspirational message na ibinigay sa mga recruit, binigyang-diin ni Abalos na ang kanilang mga uniporme na sumisimbolo ng paglilingkod sa Pilipinas ay hindi lamang tungkol sa prestihiyo bagkus ay kung papaano maging instrumento ng kapayapaan.
“Tandaan niyo ito, hindi ito tungkol sa lakas, ito ay tungkol sa stamina. Ang pagiging malakas ay hindi lamang pangpisikal na katikasan kundi kung papaano rin maging makatao,” sinabi ni Abalos.
Binanggit din ni Abalos na ang mga pulis ay dapat na maging instrumento ng kapayapaan. Aniya, kung nag-aaway ang dalawang tao sa harap ng isang pulis, dapat maging daan siya tungo sa kapayapaan at mapigilan ang paglala ng tensyon.
Noong ika-10 ng Agosto 2023 ay nasa 102 kalalakihan at kababaihan mula sa MILF at MNLF, na siyang bumuo sa unang batch ng PNP recruit, ang nanumpa sa harap ni Abalos at pagkatapos ay sumailalim sa kinakailangang pagsasanay sa PNP. Dahil sa karagdagang 294 recruit ay umabot na sa 396 ang naidagdag sa hanay ng mga men in uniform bilang patrolmen at patrolwomen na may temporary appointment status.
Ipinahayag naman ni Chief Minister Ahod Ebrahim, na nirepresenta ni Assistant Senior Minister Abdullah Cusain, ang kanyang pagkagalak na makita ang bagong batch ng recruit na mabibilang sa hanay ng kapulisan at muling pinaalalahanan sila ng kanilang layunin sa pagsanib sa PNP.
“Magsilbi sanang laging paalala sa inyo na kayo may mas malaking misyon at layunin, at iyon ay ang makapaglingkod sa inyong mga kababayan,” ani Ebrahim. Pinagtibay rin niya ang buong suporta ng Bangsamoro Government sa mga pagsisikap ng kapulisan na makabubuti sa mga taong kanilang pagsisilbihan.
Matapos ang naturang seremonya ay kaagad na inilipat ang mga recruit sa regional training center para sa kanilang mandatoryong anim na buwang pagsasanay. (Abdullah Matucan, Bai Omairah Yusop/BIO)