ISABELA CITY—Sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Sabado, ika-2 ng Marso, na malaki ang gagampanang papel ng Probinsya ng Basilan sa laban kontra gutom.
Ito ang ipinahayag ng Pangulo sa harap ng local government ng Basilan at mga opisyal ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa isang simbolikong seremonya ng pagsira ng 400 illegal firearms na isinuko ng mga dating rebelde bunga ng mga pagsisikap kaugnay ng peace process sa bayan ng Sumisip, Basilan.
Sa isinagawang “Panabang si Kasanyangan” o peace offering ceremony sa lugar ng Mahatallang, na dating pinamumugaran ng Abu Sayyaf Group (ASG) sa loob ng halos dalawang dekada, binigyang-diin ni Pangulong Marcos na bagama’t nararanasan na ang kapayapaan sa rehiyon ay may mga kailangan pang trabahuin. Kailangang gamitin ng iba’t ibang stakeholder ang oras na ito upang makamit ang pangmatagalang kapayapaan.
“Ang bagong gampanin ng Basilan ngayon ay ang paglaban sa kagutuman. Mayroon kayong lupaing dalawang beses na mas malaki sa Singapore, na may masaganang lupa, at higit sa lahat ay madalang na bagyuhin, na siyang mainam para sa seguridad ng suplay ng pagkain,” sinabi ni Pangulong Marcos.
Diin niya na ang kapayapaan ay dapat na maisabuhay. Sa kaso ng Basilan, ang paggamit sa potensyal na ito—isang pinagpalang lupain na mapagkukunan ng biyaya at mga taong may mataas na kasanayan—ay ang susi upang maabot ang pangmatagalang kapayapaang naayon sa pag-unlad at magkabahaging pag-usad.
“Ang kailangan lang ay tulungan ang Basilan para maging isang lubos na food and fisheries production center. Kasama niyo ang pambansang pamahalaan sa bagong hamon na hinaharap ninyo na ito,” dagdag niya.
Ayon sa Pangulo, kapag nabuksan ang potensyal sa agri-fisheries ng Basilan, buong bansa ang makikinabang. Magdadala ito sa unahan ng pambansang hangarin ng administrasyon.
Copra, rubber, at fish products ang pangunahing produkto ng probinsya na siyang nagsisilbing pangunahing pinagkukunan ng kita ng mga magsasaka.
Kamakailan lamang ay lumagda ang Ministry of Agriculture, Fisheries, and Agrarian Reform (MAFAR) ng BARMM Government at ang Basilan Provincial government sa isang kasunduaan patungkol sa isang investment na nagkakahalaga ng P195-milyon na pinondohan sa ilalim ng Special Development Fund upang masuportahan at mapabuti ang produksyon ng rubber industry sa probinsya.
Dagdag pa rito, nakapagdaos din ng isang groundbreaking ceremony ang Ministry of Human Settlement and Development (MHSD) noong ika-15 ng Pebrero para sa pagpapatayo ng 225 units kaugnay ng isang proyektong pabahay na may halagang Php135-milyon para sa mga Mujahideen at balo sa bayan ng Muhammad Ajul.
Sinigurado naman ni Pangulong Marcos sa lokal na pamahalaan at mamamayan ng Basilan na magiging aktibong katuwang sila sa pag-usbong ng Basilan.
Pinangunahan din ng Pangulo ang pamamahagi ng walong motorsiklo na ipinagkaloob ng United Nations Development Programme (UNDP) para sa mga dating rebelde upang masuportahan ang kanilang kabuhayan.
Sinaksihan din nina Bangsamoro Chief Minister Ahod Ebrahim at mga provincial governor kabilang si Yshmael Sali ng Tawi-Tawi, Jim Salliman-Hataman ng Basilan, Mamintal Alonto Adiong Jr. ng Lanao del Sur, at Abdulraof Macacua ng Maguindanao del Norte ang simbolikong pagsira sa mga armas.
Ang nasabing aktibidad ay bahagi ng isang linggong pagdiriwang ng 50th founding anniversary ng probinsya. (Majid Nur, Bai Omairah Yusop/BIO na may ulat mula sa PND)