COTABATO CITY—Nasa pamamahala na ng Bangsamoro Land Transportation Franchising and Regulatory Board (BLTFRB) ang mga public transit franchise sa BARMM matapos ang pormal na pagturn over ng mga ari-arian, responsibilidad, at mga dokumento mula sa LTFRB region XII na isinagawa noong ika-5 ng Mayo sa Lungsod ng Quezon.
Alinsunod sa Board Resolution No. 025, ang paglilipat ng mga ari-arian, digital record, franchise, special permit, provisional authority, at iba pang mga mahahalagang dokumento para sa mga ruta sa BARMM mula sa LTFRB RFRO 12 ay itinuturing na isang mahalagang hakbang matapos na bigyang awtoridad ang BLTFRB na pamahalaan ang mga franchise area sa nasasakupan nito.
Pinangunahan ni LTFRB Chair Teofilo Guadiz III ang pagturn over ng mga katungkulan at digital copies ng mga franchise documents para sa mga rutang nasa ilalim ng hurisdiksyon ng BARMM kay MOTC Minister Atty. Paisalin Tago na siyang kumatawan para sa BLTFRB.
Kaugnay nito, binigyang-diin ni Guadiz sa kanyang mensahe na ang LTFRB ay buong suporta sa pamunuan ng BARMM. “This day not only marks the turnover of records and responsibilities but also represents the culmination of the centuries-long dream of our brothers in the south for autonomy” pahayag nito.
Nagpasalamat naman si Atty. Tago para sa nasabing makasaysayang aktibidad sa BARMM.
“This is not just a turnover of documents but also a transfer of responsibility and commitment by the LTFRB. We are grateful to the LTFRB for implementing the provision of the Bangsamoro Organic Law,” sinabi ni Minister Atty. Tago.
Dumalo rin si LTFRB Board Member Atty. Mercy Jane Paras-Leynes sa nasabing turnover ceremony at inilarawan itong isang hakbang na magbibigay ng buhay sa mga nakasaad sa Bangsamoro Organic Law (BOL).
“It will implement what is being said on that law which will help the continuous development and achievements of the BARMM region,” sinabi ni Paras-Leynes.
Inaasahang makakabenepisyo ang sistema ng pampublikong transportasyon ng BARMM at mapapalawig pa ang mga serbisyong matatanggap ng mga commuters sa rehiyon. (Johaira Sahidala, Bai Omairah Yusop/BIO, na may ulat mula sa MOTC)