SPECIAL GEOGRAPHIC AREA—Nasa kabuuang 518 mamamayan dito ang nakatanggap ng libreng tulong medikal mula sa Bangsamoro Government sa pamamagitan ng isang medical outreach ng Project Tulong Alay sa Bangsamorong Nangangailangan (TABANG) noong ika-2 ng Mayo 2024 sa Rajahmuda, Ligawasan Municipality.
Ang medical mission ay kabilang sa health ancillary support ng naturang proyekto bilang isa sa mga flagship program ni Chief Minister Ahod Ebrahim na nagbibigay ng agarang suporta sa mga Bangsamorong nasa loob at labas ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Sa isinagawang aktibidad ay nakapag-avail ang mga residente ng iba’t ibang serbisyong medikal gaya ng mga dispensing medicine, libreng konsultasyon, check-up, dental service, libreng tuli, at iba pang mga tulong kaugnay sa kalusugan.
Sinabi ni Akmad Abas, isa sa mga miyembro ng 80-seat Bangsamoro Transition Authority (BTA) parliament, sa isinagawang aktibidad na ang ganito kaimportanteng serbisyo na ibinibigay ng iba’t ibang ahensiya sa BARMM ay nagpapakita lamang ng commitment ng regional government upang mapabuti ang mga buhay ng mga mamamayan nito.
“Nakita natin ang malaking pagsisikap ng BARMM mula sa sosyal, pangkabuhayayan, at kalusugan simula nung mag-umpisa ito. Kaya naman nararapat lang na suportahan natin ito,” pahayag ni Abas.
Nagpahayag din ng pasasalamat ang mga residenteng nakabenepisyo ng mga serbisyong medikal sa regional government dahil sa patuloy na pagbibigay sakanila ng ng samu’t saring serbisyo para sa kanilang kapakanan.
“Maraming salamat, napakagaan sa pakiramdam na makatanggap ng tulong mula sa BARMM, lalo pa at ang ibang serbisyong medikal ay wala dito sa aming bayan,” sinabi ng 35-taong gulang na residente na nakabenepisyo sa libreng bunot ng ngipin.
Ayon kay Sittie Majadiyah Omar ng Project TABANG na ang nasabing inisyatiba ay naisakatuparan dahil sa kolaborasyon ng Ministry of Health (MOH) bilang lead partner, Health Ancillary Services ng Project TABANG, at ng Regional Medical and Dental Unit ng Police Regional Office for the Bangsamoro Autonomous Region (RDMU-PROBAR).
Ang pagtutulungang ito ay naipag-ugnayan din sa Integrated Provincial Health Office (IPHO), sa Local Government Unit (LGU) ng Ligawasan, at Barangay Local Government Unit (BLGU) ng Rajamuda. (Abdullah Matucan, Bai Omairah Yusop/BIO na may ulat mula sa Project TABANG)