COTABATO CITY—Mas magiging madali na ang profiling at data storage ng mga programa at interbensyon ng Ministry of Social Services and Development’s (MSSD) sa pagtransisyon nito sa isang technology-based data system ngayong taon.
Inaasahang mailulunsad ng Ministry ang community-based monitoring system (CBMS) sa buwan ng Marso na siyang magpapabilis ng pangangalap ng datos at magpapadali ng access nito na makatutulong sa pagtukoy ng mga benepisyaryong bibigyang prayoridad, kabilang din ang mga komunidad na nangangailangan ng suporta.
Sa isang panayam kay MSSD Minister Atty. Raissa Jajurie noong ika-5 ng Pebrero ay ipinaliwanag niya na ang naturang sistema ay makatutulong sa iba’t ibang salik ng pamahalaan na may mandatong kaugnay sa pagbabalangkas ng polisiya at pagdidisenyo ng programa na tumutugon sa pagpapababa ng kahirapan sa buong Bangsamoro region.
“Hindi natin (ito) maisasagawa sa (prosesong) paper-and-pen. Kailangan natin lumipat sa technology-based collection, storage, at retrieval na siyang magpapadali sa paggamit natin ng mga datos,” pahayag ng Minister.
Sinabi rin ni Jajurie na ang CBMS ay isang advanced target-based na solusyon na tutugon sa mga kakulangan at hamon na nakaharap dati sa paggamit ng tradisyunal na pamamaraan sa pagkalap ng datos, partikular na ang mga naranasan sa mga liblib na lugar sa BARMM.
Noong ika-24 ng Enero ay lumagda ang MSSD at Philippine Statistics Authority (PSA-BARMM) sa isang Memorandum of Agreement (MOA), kasabay nito ang ceremonial turnover ng tsekeng nagkakahalaga ng P72.4 milyon para sa pagpapatupad ng CBMS.
Ayon kay Jajurie, mamimigay ng care package kasunod ng pagkalap ng kinakailangang datos sa mga natukoy at mahihirap na benepisyaryo na kadalasang kinabibilangan ng mga senior citizen, persons with disabilities (PWDs), indigenous peoples (IPs), at mga batang naulila, kabilang ang iba pa.
Ang pagresponde sa mga kinakailangan ng mamamayang Bangsamoro ay nakahanay sa pang-apat na development goal sa ilalim ng 2nd Bangsamoro Development Plan, na nakasentro sa inklusibo, tumutugon, at de-kalidad na mga serbisyo. (Johamin Inok, Bai Omairah Yusop/BIO)