NORTHERN KABUNTALAN, Maguindanao del Norte —Binigyang pagkilala ng Ministry of Basic, Higher, and Technical Education – Technical Education and Skills Development (MBHTE-TESD) ang nasa 1,175 magsasaka sa rehiyon para sa kanilang matagumpay na pagkumpleto sa mga training program na nakatuon sa produksyon ng dekalidad na inbred rice, seed certification, at farm mechanization.
Noong Biyernes, ika-12 ng Enero ay idinaos ang isang graduation ceremony para sa 350 rice farmer trainee mula sa Northern Kabuntalan, Maguindanao del Norte at sa Special Geographic Area (SGA).
Dagdag pa rito, nagdaos din ng magkahiwalay na graduation ceremony para sa 100 trainee mula sa Upi, Maguindanao del Norte, 375 trainee mula sa Mamasapano, at 350 mula sa Datu Abdullah Sangki, parehong nasa Maguindanao del Sur, noong ika-9 at 11 ng Enero, ayon sa pagkakasunod-sunod.
Ang pagsasanay na isinagawa sa ilalim ng Rice Extension Service Program (RESP) ng Rice Competetiveness Enhancement Fund (RCEF) ng Department of Agriculture (DA) national ay isang kolaborasyon sa pagitan ng MBHTE-TESD at iilang partner implementing agencies.
Kabilang sa kanilang mandato ang pagbabahagi ng kasanayan sa rice farming crop production, farm mechanization, at knowledge/technology transfer sa pamamagitan ng farm schools sa buong bansa.
Ayon kay TESD Maguindanao Provincial Director Salehk Mangelen, pangunahing layunin ng nasabing pagsasanay na makatulong sa mga rice farmer na malinang ang kakayahan sa paggamit ng bagong teknolohiya sa agrikultura, na siyang magpapabuti ng produksyon, magpapataas ng ani, at inaasahang magpapababa ng gastos ng produksyon.
“Ang pagsasanay, pinaka-pangunahing layunin nito ay para matulungan ating mga rice farmers—matulungan sila na magkaroon ng bagong teknolohiya para mapabuti ang produksyon, lalaki yung kanilang ani, at kasabay nito ay inaasahan natin na yung gastos ng produksyon ay bababa,” sinabi ni Mangelen.
Ang 14-linggong aktwal na pagsasanay, na isinagawa ng MBHTE-TESD at Agriculture Training Institute (ATI), ay dinaluhan ng lahat ng nagsitapos na nakatanggap ng P2,2700 halagang cash allowance mula sa RCEF.
Ibinahagi niya rin na isang grupo ng mga magsasaka sa Mamasapano, Maguindanao del Sur ang matagumpay na nagkaroon ng malaking ani na umabot sa 9.3 metric tons bawat ektarya, na siyang pinakamataas sa BARMM at pumangatlo naman sa buong Mindanao.
Idiniin niya na ang naturang tagumpay ay resulta ng magkatuwang na pagsisikap ng MBHTE-TESD, ATI, Philippine Rice Research Institute (PhilRice), Ministry of Agriculture, Fisheries, and Agrarian Reform (MAFAR), at ng Landbank of the Philippines.
Samantala, nagpasalamat naman ang isa sa mga benepisyaryo na si Rosemarie Lamis mula sa Barangay Paulino Labio, Northern Kabuntalan sa TESD at ibang partner agencies para sa pagpapalakas at pagsusuporta nito sa mga magsasaka sa pamamagitan ng pagbabahagi ng kaalaman sa advanced farming technology.
Binigyang-diin ni Lamis, na mula sa pamilya ng mga magsasaka, ang positibong epekto ng pagsasanay sa kanilang abuhayan, partikular sa pagkamit ng malaking ani at mas mataas na kita.
“Talagang pinagpala kami na dumating ang BARMM, lalong-lalo na sa mga magsasaka. Una nagkaroon kami ng mga libreng binhi, na-avail po namin yun, at pangalawa itong RCEF program na makakatulong kung paano namin mai-aangat ang aming buhay sa pamamagitan ng pagsasaka,” ani Lamis.
Nakipag-ugnayan ang MBHTE-TESD Maguindanao Provincial Office sa apat na farm school o Technical Vocational Institute gaya ng Busikong Greenland, Multi-Purpose Cooperative sa Upi, Al-Rahman Farmers Multi-Purpose Cooperative sa Mamasapano, Al-Mani Farmers Marketing Cooperative sa DAS, at PGR Integrated Farm sa Northern Kabuntalan. (Myrna Tepadan, Bai Omairah Yusop/BIO)