COTABATO CITY— Nagsagawa ng assessment ang Marawi Rehabilitation Program (MRP) ng Bangsamoro Government para sa mga internally displaced persons (IDPs) sa Most Affected Areas (MAA) o pinaka apektadong mga lugar sa naganap na Marawi Siege noong 2017, upang makapagbigay ng mga construction materials, business permits, technical, at emergency shelter assistance para sa pagpapatayo at pagsasaayos ng kanilang mga nasirang bahay.
Noong nakaraang buwan, nagsagawan ng ocular visit ang BARMM-MRP staff sa mga aplikante ng construction materials assistance (CMA), isa sa mga pangunahing proyekto na nakatuon sa pagbibigay ng tulong sa mga nagsilikas na residente ng Marawi.
Ang mga kwalipikadong benepisyaryo ay makatatanggap ng building materials, labor grants, at libreng training mula sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para sa mga manggagawang magtatayo ng mga kabahayan.
Pero bago ito, kailangan munang masunod ang tamang proseso at maisumite ang mga kinakailangan upang mapabilang sa proyekto.
“Sa lahat po ng mga applicants na kwalipikado ay maghintay po tayo ng kaunting panahon dahil marami pong proseso ang mga ganitong proyekto. Maging kami man po sa MRP ay nais namin ibigay sa inyo ng agaran ang inyong mga pangangailangan ngunit mayroon po tayong dapat sundin na mga protocols,” pahayag ni Mohd Noory Bin Anshary, MRP Operation Supervisor.
Nagpapatayo na rin Bangsamoro Government ng housing projects para naman sa kwalipikadong benepisyaryona mula sa mga karatig-bayan ng Marawi City.
“Ongoing po ang pagpapatayo ng mga housing projects ng Bangsamoro Government para sa mga IDPs, kaya naman nagkaroon ng masusing validation ang mga MRP staffs para sa mga kwalipikadong applicants,” dagdag ni Anshary.
Ang socio-economic at technical assessment ay isa sa mga batayan sa pagtukoy kung kwalipikado ba ang isang indibidwal na mapabilang sa mga benepisyaryo ng CMA ng Marawi Rehabilitation Program. (Johaira Sahidala, Bai Omairah Yusop/BIO na may ulat mula sa MRP)