COTABATO CITY— Mas madali na ngayon puntahan ang mga liblib na lugar sa rehiyon dahil sa mga proyektong kalsada ng Bangsamoro Government.
Noong Setyembre 27, inihayag ng Ministry of Public Works (MPW) ang pagtatapos ng konstruksyon ng isang kilometrong sementadong kalsada na may solar streetlights sa Barangay Balong sa Pikit Cluster ng Special Geographic Area (SGA) ng BARMM.
Ayon sa MPW, ang Brgy. Balong ay binahang lugar na nararating lamang sa pamamagitan ng paglalakad o sa pamamagitan ng mga maliit na bangka sa mga ilog. Nagdulot ito ng hirap sa mga residente sa pag-a-access ng mahahalagang serbisyo, pagbibiyahe ng mga produkto, at pagkakaroon ng koneksyon sa mga kalapit na komunidad.
Ngayong natapos na ang kalsada ay inaasahang mababawasan ang oras ng biyahe papunta sa mga importanteng pasilidad tulad ng mga medical centers, mga paaralan, at mga palengke.
Samantala, nakumpleto na rin ng MPW noong Setyembre 18 ang 3.2 kilometrong farm-to-market road na magbibigay daan upang mapuntahan ang dating liblib at kadalasan magulong lugar ng Sitio Kiamco sa Barangay Maitumaig ng Datu Unsay, Maguindanao del Sur.
“Ang kalsadang ito, na bumabaybay sa mahirap na bulubundukin, ay hindi lamang simbolo ng kaunlaran, kundi isa ring testamento sa ‘transformative power’ ng pagsusulong ng kapayapaan sa rehiyon na
minarkahan ng ilang taong labanan sa pagitan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at militar ng Pilipinas,” ayon pa sa MPW.
Hindi lamang mapapadali ng road project ang paglalakbay ng mga residente kundi pati na rin ang pagbibiyahe ng mga kalakal at serbisyo ng mga magsasaka na siyang magbibigay ng dagdag kita at magpapabuti sa kanilang pamumuhay.
Sa ilalim ng liderato ni Chief Minister Ahod Ebrahim ay patuloy ang MPW sa pagpapabuti ng konektibidad at pagbibigay access sa mga oportunidad para sa iba’t ibang komunidad sa Bangsamoro region.
Sa bawat kalsadang nakukumpleto, mas palapit ang BARMM sa hangarin nitong maging isang inklusibo at progresibong rehiyon. (Myrna Tepadan, Bai Omairah Yusop/BIO)