BONGAO, Tawi-Tawi – Upang matiyak ang inlusibidad at pagkakaroon ng pantay na oportunidad sa lahat ng nasasakupan ng Bangsamoro ay nagsagawa ng aktibidad ang Bangsamoro Human Rights Commission upang makapagbigay ng libreng birth certificate at national ID sa 50 kabataang Badjao sa munisipalidad na ito.
Magkasamanag isinagawa ang inisyatibang ito noong ika-30 ng Agosto 2024 ng BHRC Tawi-Tawi Provincial Office, ng Bongao Municipal Civil Registry, Philippine Statistics Authority (PSA), at Tawi-Tawi provincial government.
Itinampok sa aktibidad na ito ang one-stop shop process: Sumailalim ang mga benepisyaryong Badjao sa mga panayam at beripikasyon sa Municipal Civil Registry bago i-encode ang kanilang mga detalye. Kasunod nito, magpaparehistro sila para sa kanilang national ID. Matapos makumpleto ang inisyal na pagpaparehistro, sila ay binigyan ng kanilang makakain at food packs. Nang nakumpirma na ng beripikasyon sa pamamagitan ng PSA system na walang duplikasyon sa pagpaparehistro, makatatanggap ang benepisyaryo ng authenticated na PSA birth certificate.
Sinabi ni Ahmad Deedatt Kalbit, OIC provincial director ng BHRC-Tawi-Tawi, sa isang panayam na pinaplano nilang palawigin ang naturang legal assistance program sa ibang island municipalities na may mga komunidad ng Badjao.
“Nagsagawa kami ng inisyatiba na palawigin ang legal service assistance sa mga Badjao, dahil sila yung mga taong kulang ang pagpapahayag sa kanilang mga karapatan, at sila rin yung mga madalas na mapagkaitan ng mga serbisyo at tulong ng pamahalaan dahil sa kawalan ng legal na pagkakakilanlan,” sinabi ni Kalbit.
Noong ika-23 ng Agosto ay nagsagawa rin ang BHRC na kaparehong programa sa Badjao Village sa Bongao
Sa inisyatibang ito, nananatiling dedikado ang Bangsamoro government sa pagpreserba ng mayamang kulturang pamana ng mga ‘sea nomads’ ng rehiyon habang tinitiyak na ang lahat ng nasasakupan nito ay may pantay na access to mga serbisyong pampubliko at social security. (Laila Aripin, Bai Omairah Yusop/BIO)