MARAWI CITY — Nag-organisa ang Bangsamoro Government, sa pamamagitan n Bangsamoro Sports Commission-Lanao del Sur Provincial Office, ng isang sports clinic dito sa lungsod mula ika-2 hanggang ika-4 ng Hunyo 2024, upang makapagbigay ng matinding pagsasanay sa mga batang atletang Bangsamoro ng Marawi City.
Nag-imbita ang komisyon ng mga professional coach sa basketball, volleyball, at tennis para maturuan at sanayin ang mga student-athletes sa mga fundamentals ng kani-kanilang isports.
“Pangunahing layunin ng Sports Clinic ng Bangsamoro Sports Commission (BSC) na madiskubre ang mga talento ng mga batang atleta. Sa ganitong paraan, makatutulong ang komisyon na mahasa ang kanilang mga kakayahan sa kanilang napiling isports,” sinabi ni BSC Chairperson Dr. Arsalan Diamaoden.
Ayon sa BSC, kabilang sa training sessions ang skill drills, game strategies, at conditioning exercises upang mapahusay pa ang laro ng mga atleta. Nagbigay din ang mga coach ng mga gabay sa teamwork, sportsmanship, at mental preparation upang matiyak ang isang komprehensibong development program para sa mga batang atleta.
Ibinahagi rin ni Chairperson Diamaoden na bumuo ang komisyon ng bagong polisiya upang mas maengganyo pa ang mga batang atleta na lumahok sa mga national at international competitions.
“Kabilang sa mga mahahalagang polisiya na kasalukuyang ipinapatupad ng Bangsamoro Sports Commission ang pamamahagi ng pinansyal na tulong at insentiba sa mga Bangsamorong atleta na kumakatawan sa rehiyon sa mga national at international competition,” dagdag niya.
Maliban dito, namigay din ang BSC sa mga student-athletes ng mga bagong sports equipment na magagamit nila sa kanilang susunod na pagsasanay bilang preparasyon para sa Palarong Pambansa 2024 na gaganapin sa Cebu City mula ika-11 hanggang ika-15 ng Hunyo.
Inaasahan ni Chairperson Dimaoden na maisasagawa rin ito sa mga mahihirap na komunidad ng Lanao del Sur sa hinaharap upang higit pang maabot ang mga karapat-dapat na Bangsamorong atleta.
“Maraming salamat po sa Bangsamoro Sports Commission. Sana po ay ipagpatuloy pa nila ang sports clinic na ito upang mas maimpluwensyahan pa ang mga kabataan na maglaro ng sports,” pahayag ni Moh’d Sodaiz Camid na isa ring student-athlete.
Sa pakikipagtulungan sa Ministry of Basic, Higher, and Technical Education ay nakapagsagawa na rin ang BSC ng kaparehong aktibidad sa mga piling komunidad sa Basilan, Sulu, at Tawi-Tawi. (Norjana Malawi, Bai Omairah Yusop/BIO)