DATU BLAH SINSUAT, Maguindanao del Norte — Tumanggap ang nasa 100 na mga bata sa Barangay Pura ng bayan ng kani-kanilang libreng birth certificate bilang bahagi ng selebrasyon ng Children’s Month ngayong taon sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Nakaangkla ang nasabing selebrasyon sa temang “Isulong Kalinga, Kalusugan, at Karapatan ng Batang Bangsamoro.”
Isinagawa ang pamamahagi ng birth certificates sa isang outreach program noong ika-7 ng Nobyembre ng Ministry of Social Services and Development (MSSD) sa pakikipagtulungan sa Bangsamoro Youth Commission, Bangsamoro Women Commission, Ministry of Agriculture, Fisheries, and Agrarian Reform (MAFAR), United Nations High Commissioner for Refugees (UNHCR), United Nations Children’s Fund (UNICEF), at ng lokal na pamahalaan ng Datu Blah Sinsuat.
Binigyang-diin ni MSSD Minister Atty. Raissa Jajurie na kabilang sa mga pangunahing karapatan ng mga bata ay ang pagkakaroon nito ng sariling pagkakakilanlan sa pamamagitan ng birth certificates.
“Kasama po sa karapatan ng mga bata ay ang pagkaroon ng pagkakakilanlan at kasama sa pagpapatibay ng kanilang pagkakakilanlan ay ang magkaroon ng birth certificate,” pahayag ni Jajurie.
Ang birth certificate ay mahalaga sa pag-aavail ng anumang serbisyo ng regional at national government gaya sa kalusugan, edukasyon, at social programs.
Ayon pa kay Jajurie, ang 100 na mga bata ay inisyal pa lamang sa kabuuang bilang ng mga benepisyaryo na nasa 300 para sa libreng pagpaparehistro ng kapanganakan.
Maliban sa mga sertipiko ay nakatanggap din sila ng mga bag at school supplies, water tumbler, payong, at pagkain.
Kaparehong outreach program din ang isasagawa sa Basilan, Tawi-Tawi, Sulu, Cotabato City, at BARMM Special Geographic Area sa darating na mga araw. (Myrna Tepadan, Bai Omairah Yusop/BIO)