COTABATO CITY—Nasa kabuuang 811 katao ang tumanggap ng tulong medical mula sa medical outreach program ng Project Tulong Alay sa Bangsamorong Nangangailangan’s (TABANG), 431 dito mula sa Barira noong ika-29 ng Pebrero at 380 mula sa Parang, Maguindanao del Norte noong ika-2 ng Marso.
Layunin ng outreach program na makahandog ng libreng konsultasyon, check-up, laboratory testing services, dental services, minor surgeries, at “operation tuli” sa mga mamamayang Bangsamoro.
Pinangunahan ni Sittie Majadiyah Omar, Health Ancillary Services Unit Head ng Project TABANG, ang naturang medical outreach program para sa mga residente at ibang karatig lugar.
“Patuloy na mamamahagi ng mga libreng gamot ang Project TABANG para sa mga kababayan nating Bangsamoro,” sinabi ni Omar.
Isa ang Project TABANG sa mga special program ni Chief Minister Ahod Ebrahim na layuning matiyak na angkop ang tulong na naibibigay sa mga komunidad ng Bangsamoro, kabilang dito ang serbisyong pangkalusugan, pangkabuhayan, at makatao.
Ang mga aktibidad na ito ay suportado ng Ministry of Health (MOH), Regional Medical and Dental Unit of the Police Regional Office for the Bangsamoro Autonomous Region (RMDU-PROBAR), Rural Health Unit (RHU) ng Parang, Local Government Unit (LGU), at ng Barangay Local Government Unit (BLGU) ng mga munisipalidad ng Parang at Barira.
Dagdag pa rito, noong ika-26 ng Pebrero ay binuksan ang nasabing inisyatiba sa publiko at walk-in clients upang makapagbigay ng libreng gamot sa mga nangangailangang residente ng Bangsamoro tuwing Lunes at Miyerkules. (Myrna Tepadan, Bai Omairah Yusop/BIO)