SPECIAL GEOGRAPHIC AREA—Isang Moro enclave na naging opisyal na bahagi ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa pamamagitan ng isang plebesito noong 2019 ang bumoto ng ‘YES’ para sa isang panibagong plebisito noong ika-13 ng Abril 2024.
Ayon sa Commission on Elections (COMELEC), ang naturang plebisito ay may opisyal na voter turnout na 81.10% mula sa 89,594 rehistradong botante.
72,358 dito ang pumabor sa pagtatatag ng walong bagong munisipalidad, samantalang 273 naman ang bumoto ng ‘NO’.
Bumoto rin si Member of Parliament Mohammad Kellie Antao, isang masugid na tagapagtaguyod ng kapayapaan at kaunlaran sa SGA, ng ‘YES’ sa kanyang itinalagang presinto at sinabi na ang isinagawang pagboto ay rurok ng mga adhikain at pangarap ng mga mamamayang Bangsamoro sa lugar para sa pagkakabilang nito sa autonomous region.
“Talaga namang makasaysayan ang kaganapang ito sapagkat sumisimbolo ito sa mga mithiin ng aming mga mamamayan,” pahayag ni Antao.
Dahil sa naipakitang nag-uumapaw na suporta ay maitatatag na ang walong bagong munisipalidad, katulad ng Kapalawan, Old Kaabakan, Malidegao, Ligawasan, Tugunan, Nabalawag, Kadayangan, at Pahamuddin.
Ang SGA ay isang teritoryo ng BARMM na nakakalat sa iba’t ibang munisipalidad ng Cotabato Province at naitatatag sa pamamagitan ng isang plebisito na idinaos noong 2019 na siyang naglipat sa 63 barangay mula sa mga munisipalidad ng Carmen, Kabacan, Pikit, Aleosan, Midsayap, at Pigcawayan.
Ibinahagi rin ni Antao na bago pa man ang plebisito noong 2019 ay 67 barangay na ang nagpetisyon para sa inklusyon, ngunit 63 lamang dito ang napabilang sa pinal na listahan. (Abdullah Matucan, Bai Omairah Yusop/BIO)