COTABATO CITY—Nakapagtayo na ang Ministry of Human Settlements and Development (MHSD) ng Bangsamoro Government ng 1,107 housing units, isang malaking pagtaas ng 330 porsiyento mula sa naitala noong Agosto 2023.
Ito ay batay sa ulat ng Ministry noong ika-30 ng Hunyo 2024, sa ilalim ng Resettlement Housing Program nito.
Layunin ng nasabing program ana makapagbigay ng libreng housing units na may mga water system, solar light, access road, at support service para sa resettlement, na pwedeng magkaroon din ng serbisyong pangkabuhayaan mula sa partner agencies.
Kabilang sa mga target beneficiaries ang mga dating Moro Islamic Liberation Front (MILF) and Moro National Liberation Front (MNLF) combatants, ‘poorest of the poor’, biktima ng kalamidad o kaguluhan, indigenous people, at internally displaced persons (IDPs) na natukoy at Napili sa tulong ng ibang partners gaya ng local government units (LGUs).
Ayon sa MHSD, ang 1,107 units ay kinabibilangan ng 300 sa Basilan, 257 sa Maguindanao del Norte (MDN), 200 sa Sulu, 200 sa Special Geographic Area (SGA), 100 sa Tawi-Tawi, at 50 sa Maguindanao del Sur (MDS).
Ibang konstruksyon
Nasa 2,561 housing units ang kasalukuyang ipinapatayo, kabilang dito: 850 sa Lanao del Sur (LDS), 350 sa Tawi-Tawi, 336 sa MDN, 325 sa SGA, 300 sa Basilan, 250 sa Sulu, 100 sa MDS, at 50 sa labas ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Samantala, may 725 housing units ang hindi pa nagagawa at 50 units naman ang nakasalang pa sa procurement.
Sa kabuuan, ang mga nakumpleto, kasalukuyang ginagawa, at ipapatayo pa lamang ay pinondohan sa ilalim ng Bangsamoro Appropriations Act (BAA) 2020-Kapayapaan sa Pamayanan (KAPYANAN), BAA-2020-Marawi Rehabilitation Program (MRP), BAA 2020-Regular Fund, General Appropriations Act of the Bangsamoro (GAAB) 2021-2024, at Special Development Fund (SDF) 2020-2023.
Kwento ng tagumpay
Ibinahagi ni Aslamiha Abdulkassar, isang benepisyaryo mula sa Munisipalidad ng Maluso, Basilan, kung paano nabago ang buhay ng kanyang pamilya nang matanggap ang housing unit.
“Dati, isa kami sa mga residente ng Maluso, na walang permanenteng tirahan at bahay,” sinabi ni Abdulkassar.
Dagdag niya, “May mga oras na napapalayas kami at sa kasamaang palad ay kahit saan-saan lang nananatili.”
Binigyang-diin ng nakabenepisyong Bangsamoro ang kanyang pasasalamat sa regional government, lalo na sa MHSD, para sa tulong na naibigay sakanila.
“Ngayon, hindi na namin kailangang mag-alala kung malilipad ba ng hangin ang aming bubong dahil nakatira na kami sa isang maayos na bahay,” pahayag niya.
Commitment ng Ministry
Inaasahan ni MHSD Minister Atty. Hamid Aminoddin Barra na gagawing tahanan ng mga benepisyaryo ang natanggap nilang bahay.
“Inaasahan ko na bubuo ng isang tahanan ang mga benepisyaryo sa mga bahay na ibinigay sakanila upang maabot natin ang isang progresibong komunidad ng Bangsamoro,” sinabi ni Minister Barra sa isang Facebook post ng MHSD.
Ang pagbuo na isang sistema ng maaasahan at matibay na imprastraktura ay nasa ikalimang priority agenda ni Bangsamoro Chief Minister Ahod Ebrahim. (Johamin Inok, Bai Omairah Yusop/BIO)