BONGAO, Tawi-Tawi –Sa huling araw ng selebrasyon ng 5th Bangsamoro Foundation, ika-26 ng Enero, ay namahagi ang Ministry of Science and Technology (MOST) ng ilang science laboratory apparatus, STARBOOK, at android tablet para sa mga kwalipikadong benepisyaryo sa bayang ito.
Pinangunahan ni Badria Lidasan, MOST-BARMM Executive Assistant IV, ang pamamahagi ng mga kagamitan kasama ang provincial office ng nasabing ministry sa Tawi-Tawi.
Inihayag ni Lidasan sa kanyang mensahe ang kanyang pananabik at binigyang-diin ang tagumpay ng MOST-BARMM na marating ang mga malalayong munisipalidad sa Tawi-Tawi at personal na pagbigay nito ng mga kagamitan sa mga benepisyaryong paaralan.
“Ito ang BARMM, ang Moral Governance. Sa BARMM inklusibo tayo, magkasama tayo,” sinabi ni Lidasan at binaggit na kahit di nakadalo si MOST Minister Aida Silongan dahil sa problema sa kanyang iskedyul, ay naipaabot pa rin nang personal ang mga kagamitan.
Ibinahagi rin niya ang kanyang pangarap para sa Tawi-Tawi, na naghihikayat ng pag-asa at determinasyon, aniya, “Wag tayo mawalan ng pag-asa kahit nasa malayo tayo. Pagsikapan natin upang magkaroon ng mga siyentipiko ang Tawi-Tawi. Andito ang MOST, may mga programa tayo upang makasuporta, tulad ng BASE (Bangsamoro Assistance for Science Education).”
Nakapagturn over ng limang (5) set ng science laboratory apparatus, kabilang ang human torso model, compound led microscope, dissecting kits, at mga skeletal model sa mga school head na nag-aplay at kwalipikado para rito.
Maliban pa rito ay nakapagbigay din ng pitong (7) set ng Science and Technology Academic and Research-Based Openly-Operated Kiosks (STARBOOK), na may daang-libong digitized resources sa iba’t ibang format na dinisenyo para maabot ang mga may limitado o walang access sa mga pagkukunan ng impormasyong ukol sa agham at teknolohiya, sa dalawang paaralan sa Tandubas at tig-iisang set nito sa Simunul, Sitangkai, Tabawan, Panglima Sugala, at Bongao.
Nakatanggap din ang unang grupo ng BASE grantees sa Tawi-Tawi ng android tablet mula sa MOST-BARMM. Sa idinaos na seremonya ay inanunsyo na ang scholarship ay bukas para sa mga estudyanteng magtatapos sa Grade 12 na kukuha ng kursong kaugnay sa Science and Technology sa kolehiyo.
Sa pamamagitan ng MOST ay nananatiling committed ang Bangsamoro Government sa pagsusuporta sa mga mithiin ng darating na siyentipiko sa BARMM. (Laila Aripin, Bai Omairah Yusop/BIO)