LANAO DEL SUR — Nakatakdang magpatayo ng iba’t ibang proyektong pang-imprastraktura at Ministry of Public Works-Lanao del Sur ng Bangsamoro Government na nagkakahalaga ng mahigit P700-milyon na nakasentro sa konstruksyon at rehabilitasyon ng kalsada, drainage systems, multipurpose building, at pag-iinstall ng street lights.
Noong ika-13 ng Setyembre 2024 ay opisyal na iginawad ang kontrata sa mga nanalong contractor para sa mga nasabing proyekto.
“Ang mga proyektong ito ay pinondohan ng regular infrastructure budget sa 2023 at 2024, pati na rin ng 2021 Special Development Fund. Sa kabuuan, ang mga proyektong ito ay nagkakahalaga ng mahigit 700-milyong piso,” sinabi ni Engineer Abdul Khalic Ondi.
Naniniwala si MPW-LDS 2nd DEO na matutugunan ng mga proyektong ito ang lumalaking pangangailangan ng distrito sa imprastraktura dahil ang pagpapatayo ng mga kalsada at drainage systems ay magpapabuti sa access sa mga mahahalagang serbisyo at maiwasan ang pagbaha sa tuwing tag-ulan, lalo na sa mga bahaing lugar. Dagdag pa rito, layunin ng pag-iinstall ng mga street light na gawing mas ligtas ang mga komunidad, lalo na sa mga liblib na lugar kung saan matagal nang problema ang kakulangan sa ilaw.
Iilan lamang ito sa mga inisyatiba ng MPW na nakahanay sa 12-point priority agenda ng Government of the Day ng Bangsamoro, na partikular na naglalayong “makabuo ng sistema ng maaasahan at matibay na imprastraktura sa transportasyon sa lupa, dagat, at himpapawid at komunikasyon na magreresulta sa mas maayos na konektibidad at paglago ng ekonomiya”.
Sa kanyang mensahe, muling ipinahayag ni Assistant District Engineer Kamar Mauyag, Sr. ang commitment ng MPW-LDS 2nd DEO sa pagmo-monitor ng konstruksyon ng lahat ng mga proyekto nito sa pamamagitan ng regular na pag-iinspeksyon upang matiyak na natutugunan nito ang mga kinakailangang pamantayan ng kalidad at makumpleto ito sa loob ng itinakdang panahon.
Bilang tugon, tiniyak ng mga contractor sa Bangsamoro Government ang kanilang buong kooperasyon at commitment na matapos ang proyekto sa tamang panahon sa pamamagitan ng kanilang maayos na manpower at resources. (Norjana Malawi, Bai Omairah Yusop/BIO).