COTABATO CITY – Sa pagsusulong ng kanilang commitment na mapaunlad ang mga imprustruktura sa Bangsamoro region ay opisyal na nagturn over ang Ministry of Public Works ng 48 bagong heavy equipment sa siyam (9) na District Engineering Offices (DEOs) sa MPW Area Equipment Services in Brgy. Simuay, Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte noong ika-30 ng Mayp 2024.
Kabilang sa mga naibigay na heavy equipment na may kabuuang halagang Php388,500,000 ang mga motor grader, road roller, excavator, wheel loader, backhoe loader, at transmit mixer, na inilaan para sa mga DEO ng Cotabato City, Tawi-Tawi, Basilan, at ng 1st at 2nd DEO ng Maguindanao, Lanao del Sur, at Sulu.
Ito na ang pangalawang turnover na naisagawa ng MPW bilang isang hakbang upang mapalakas ang kapasidad ng mga DEO sa pagsusulong ng pag-unlad sa imprustruktura at pagresponde sa oras ng kalamidad.
Binigyang-diin ni MPW Officer-in-Charge Engr. Danilo Ong sa isang panayam ang kalagahan ng mga naturang kagamitan, at binanggit na magagawa nito sa pagpapabilis ng implementasyon ng mga proyekto.
“Ito po ay napakahalaga upang mapabilis po natin yung pag-implement ng pangunahing imprustruktura o di kaya yung mga road projects, lalo na yung mga proyekto na isasagawa ng administrasyon,” sinabi niya.
Sa official Facebook page ng MPW, sinabi rin ni Ong na, “Ang investment na ito ay isang testamento sa dedikasyon na mapanatili at mapabuti ang public works infrastructure na mahalaga sa paglago at pag-unlad ng ekonomiya ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.”
Dagdag pa rito, inihayag ni Ong ang planong bumili na mas maraming kagamitan sa 2025 upang matiyak na ang mga DEO ay handa para ma-optimize ang kanilang operasyon, partikular sa paghawak ng mga proyektong pangkaunlaran at pagtugon sa kalamidad.
Sa pagpapalakas sa kapasidad ng mga DEO dulot ng kamakailang handover, inaasahang mapapalakas nila ang kanilang mga serbisyo upang matugunan ang mga kinakailangang imprustruktura ng mga komunidad sa Bangsamoro, na mahalaga sa pagsulong ng pangkalahatang paglago ng ekonomiya ng rehiyon.
Ang pagkakaroon ng isang sistema ng maaasahan at matatag na imprustruktura ay nakaangkla sa Priority Agenda ni BARMM Chief Minister Ahod Ebrahim para sa 2023-2025. (Bai Omairah Yusop/BIO with reports from MPW)