COTABATO CITY—Mas pinalawig pa ng Ministry of Social Services and Development (MSSD) ang network nito sa Pikit Cluster ng Special Geographic Area (SGA) sa pagdaragdag nito ng bagong partner hospital.
Dalawang milyong pisong (Php2,000,000.00) pondo ang ibinigay ng MSSD sa Cruzado Medical Hospital (CMH) upang matulungan ang mga mahihina at mahihirap na mga pasyente sa lugar.
Noong ika-29 ng Hunyo, nilagdaan ng MSSD at ni CMH Director Isabelita Cruzado ang isang Memorandum of Agreement (MOA) na magpapatibay sa kanilang bagong partnership.
Nailaan ang pondo sa pamamagitan ng Bangsamoro Critical Assistance for Indigents in Response to Emergency Situations (B-CARES) program ng MSSD na nakapokus sa pagbibigay tulong sa mga indibidwal at pamilyang nasa rehiyon na nakararanas ng krisis. Sakop ng programa ang mga gastusin sa pagpapaospital, medisina, at iba’t ibang medical treatment at procedures (tulad ng laboratory tests, CT scans, dialysis, MRIs, anti-retroviral therapy, at chemotherapy) para sa mga natukoy at karapat-dapat na mga benepisyaryo na may kinahaharap na problemang pinansyal.
Samantala, nagpahayag naman si MSSD SGA Coordinator Head Haron Amer ng positibong pananaw patungkol sa pagpapalawig ng mga serbisyo at pagkakaroon pa ng karagdagang partnership sa iba’t ibang mga medical center.
“I’m very glad that we have an additional partner hospital in BARMM SGA this year. This only means that we will reach more indigent clients and help them in their hospitalization through the B-CARES Program,” komento ni Amer.
Dagdag pa rito ay tatlong partner hospitals sa SGA—Community Health Service Cooperation Hospital (COHESCO), R.A.M Albutra General Hospital, at Deseret Surgimed Hospital— ang muling ipinagpatuloy ang partnership sa MSSD.
Bawat ospital ay tumanggap ng replenishment budget na Php2,000.000.00 para sa kasalukuyang taon.
“Ang usual na agreement natin sa mga partner hospitals ay isang taon pero in the course of the year kung naubusan ng pondo—ibig sabihin nagamit na iyong naibigay sa kanila upon liquidation—ay magre-replenish ulit tayo,” sinabi ni Minister Atty. Raissa Jajurie. (Myrna Tepadan, Bai Omairah Yusop/BIO)